Website Ribbon 12/1/08
Loading...
2008-12-30

Kahirapan: Ang Yaya ng Bawal na Gamot

Lathala ni gomezlaw | Tuesday, December 30, 2008 | , | 5 comments »

“Dismissal of Alabang Boys case 'not the first' says PDEA”, ito ang banner kahapon, ika-29 ng Disyembre, 2008, sa abscbnNEWS.com. Batay sa balitang ito, hindi ito ang unang pagkakataon na ang hinaing kaso laban sa mga gumagamit o gumagawa ng droga ay binasura ng kagawaran ng hustiya. Maliban sa kaso na tinaguriang “Alabang Boys”, dalawa pang malalaking kaso hinggil sa paggawa ng droga ay ganito rin ang sinapit-ang “Pinagsawitan(Pagsanajan, Laguna) Drug Lab Raid” at ang “P300 billion Naguilan(La Union) Drug Lab Raid”
 
Ayon pa rin sa PDEA, kapag nawala na sa headline ng mga balita ang mga kasong ito, binabasura na ito ng DOJ dahil daw sa kakulangan ng ebidensya o mga teknikal na usapin. Nalulungkot din sila dahil hindi na nabibigyan ng pagkakataon ang ahensya na maiharap ang kanilang ebidensya at testigo sa hukuman. Mabigat din ang loob nila dahil na sa mga suhulan na nangyayari bago pa lamang dumating ito sa pintuan ng hukuman.
 
Ang masama sa mga ganitong pangyayari, mismong ang pangunahing ahensya ng pamahalaan na nangunguna sa kampanya laban sa droga ay unti-unting pinanghihinaan ng loob para pag-ibayuhin ang kanilang kampanya. Ito’y dahil na rin sa nawawalan ng saysay ang kanilang pinaghirapan kapag dumating na sa DOJ, ang ahensya na dapat manguna sa pag-usig ng mga kasangkot sa bawal na gawain.
 
Kapag nagpatuloy ang mga ganitong kaganapan at tuluyang nawalan na ng gana ang PDEA, lalakas ang loob ng mga sindikato ng droga dito sa ating bayan at hindi malayo na matulad tayo sa mga bansang pinatatakbo ng mga drug lord. Ang masaklap dito, darami ng husto ang mga buhay na masisira at mga krimen na resulta ng pagkalango sa pinagbabawal na gamot. Baka umabot tayo sa mas lantarang pagbebenta ng mga droga sa ating lansangan na para lamang na kendi o segarilyo (naalala nyo pa ba ang Pasig tiangge na napakalapit sa city hall).
 
Ngunit bakit ba lumalala ang paggamit ng droga sa ating bayan? Dalawa lang ang nakikita kong dahilan- ang lumalaking kita o ganansya sa kalakalan ng droga at ang lumalalang kahirapan sa ating bayan.  Ang dalawang ito ay magkaugnay at natutulungan para palakihin ang kalakalan ng droga dito sa ating bayan.
 
Dahil na rin sa laki nga ng kita dito, marami ang naaakit na maging bahagi nito- mula sa pagpipinansya ng operasyon hanggang sa aktwal na pagbebenta. Para mayayaman na financier, ang kita sa droga ay mas malaki at mabilis ng 20X. Sabi nga daig mo pa ang tumama sa sweepstake! Para naman sa maliiit na nagbebenta, panggamit lang naman ang karaniwang habol ng mga ito at kung may sobra, ilalagay din sa iba pang bisyo.
 
Ang kahirapan ang mas lalong nagpapalala sa usapin ng droga. Dahil sa hirap ng buhay, marami sa ating kababayan ay nawawalan na ng pag-asa at kumakapit na sa patalim tulad ng droga. Marami rin sa gumamit na droga para hindi maramdaman ang dinadanas na gutom. Habang ang may kahirapan sa ating gitna, mayroon at mayroong batayang para isilang at palakihin ang problema ng droga sa Pilipinas.

Kung seryoso ang mga lider ng ating bayan na sawatain ang droga, pagtuunan natin ang pagpapaunlad ng kabuhayan ng ating mamamayan. Bigyan natin ng diin ang kagalingan ng ating kababayan. Suportahan natin at paramihin ang mga negosyong pag-aari ng Pilipino. Pataasin natin ang sahod ng ating mga manggagawa habang pinababa ang presyo ng mga bilihin. Mahirap itong gawin ngunit ito ang daan palabas sa daigdig ng droga.
 
Pagdamutan nyo ang aking ISANG SENTIMONG PANANAW!

Share and Enjoy!
Digg Stumble This Del.icio.us Mixx Furl Propeller Simpy Live Twitthis Add To Slashdot Spurl Google Yahoo Reddit Technorati Blinklist Blogmarks Smarkings Ma.gnolia SphereIt Sphinn Feedmelinks
2008-12-26

Pandinig sa Senado Papunta sa Kawalan

Lathala ni gomezlaw | Friday, December 26, 2008 | , | 0 comments »

Habang abala ang lahat sa paghahanda para sa Pasko, tuloy pa rin ang teleserye sa senado. Pinatawag ng senado ang ilang personalidad na naugnay sa “fertilizer scam”. Inulan sila ng mga katanungan mula sa mga senador hinggil sa naging papel nila sa nasabing scam. Sa simula ay magulo ang naging takbo ng pandinig. Ngunit sa huli, naging malinaw ang modus operandi ng grupo kung paano nagkaroon ng overpricing at gaano kalaki ito. Ang malungkot lang ay hindi sumipot ang “missing link” na mag-uugnay sa grupo kay Bolante.
 
Natapos ang pandinig na walang linaw kung matutukoy pa ang mastermind ng nasabing scam. Tanging maliliit lang na isda lamang ang nahuhuli at nakakaligtas ang mga malalaking tao na siyang nag-utos at nagpatakbo ng buong operasyon. Malayo pa rin ang inaasam na hustiya ng sambayanan na magpaparusa sa mga taong nagnakaw sa kaban yaman ng bayan para sa pansariling interes.
 
Sa takbo ng drama hinggil sa fertilizer scam, mukhang sablay ang pagtatapos nito sa pangkaraniwang tapos ng mga teleserye. Dito, ang masasama ang siyang magwawagi at ang mabubuti ay mananatiling biktima hanggang sa huli. Ganito ang karaniwang takbo ng kwento sa lahat ng kaso na may kaugnayan ang gobyernong Arroyo.
 
Ang mga sumusunod ay ilan lang sa kaso na walang nangyari at hindi nakamtan ang hustiya: garci tape scandal, macapagal boulevard scam, comelec counting machine scheme, OWWA-health card fiasco, ZTE broadband kickback at DA-swine scam. Ilan lang ito sa mga usaping pinaglaanan ng napakahabang oras ng pandinig ng senado ngunit sa huli ay wala ring magandang kinalalabasan.
 
Ang problema kasi ay wala namang prosecutorial power ang senado. Ang lahat ng pandinig ay upang makagawa ng batas para wag na maulit ang mga nasabing kaso. Sa ganang akin, sapat na ang mga batas natin. Ang kulang ay ang pagpapatupad ng batas sa tamang paraan. Malakasang lang loob ng mga umiikot sa batas dahil alam nila may proteksyon ng malalaking tao sa gobyerno at kung minsan sila’y mga sundalo lamang na tumatalima s autos ng nasabing taong gobyerno.
 
Sa ganitong pamamaraan, hindi talaga titigil ang korapsyon sa ating bayan at sa halip ay lalo pa itong lalala. Kung sasabayan pa ito ng pananakot at pagpatay sa mga nagsasabi ng katotohanan, mababaon nang tuluyan ang bayan natin sa kumunoy ng korapsyon. Kapag ganito ang nangyari, ang mamamayan na dapat nakikinabang sa kaban-yaman ng bayan ay mas titindi ang dinaranas na gutom at kahirapan.
 
Kung ako lang ang tatanungin, sa halip na mag-aksaya ng oras sa mga pandinig, direktang dalhin ang isyu sa mga komunidad upang maging malinaw sa kanila ang mga pangyayari. Ang pundo na nasasayang sa mga ganitong pandinig ay gamitin sa pag-oorganisa ng sambayanan. Kung malinaw sa bayan na wala na tayong maaasahan sa pamahalaan na ito, ang bayan mismo ang kikilos upang baguhin ang kasalukuyang sistema.
 
Sa aking pagtantsa, ang lahat ng dramang ito ay isang calculated move para manatili pa rin ang kapangyarihan sa kamay ng mga nagpapalitang naghahari at huwag ilagay ng taong bayan ang kapanyarihan sa kanilang sariling kamay. Ang hirap lang, mukhang pati ang mga nagsusulong ng tunay na pagbabago ay sumasakay sa ganitong pakulo ng mga nagmimintini ng kasalukuyang sistema.
 
Hanggang dito na muna mga kaibigan at ito ang aking ISANG SENTIMONG PANANAW.

Share and Enjoy!
Digg Stumble This Del.icio.us Mixx Furl Propeller Simpy Live Twitthis Add To Slashdot Spurl Google Yahoo Reddit Technorati Blinklist Blogmarks Smarkings Ma.gnolia SphereIt Sphinn Feedmelinks
2008-12-25

"Cha-Cha at Gloria, Ibasura!"

Lathala ni gomezlaw | Thursday, December 25, 2008 | , | 0 comments »

(Paunawa: Katulad ng pinako ko, pipilitin maisulat ang aking pananaw sa mga pangyayaring naganap nitong huling dalawang linggo. Ang rally laban sa charter change ang pinili kong paksa dahil ito unang malaking kaganapan na hindi ako nakapagsulat ng aking posisyon.)
 
“Cha-cha at Gloria! Ibasura!”  Ito ang umaalingawngaw na sigaw ng mga taong nagtipon-tipon noong ika-12 ng Disyembre, 2008. Umapaw sa dami ng tao ang panulukan ng Ayala Avenue at Paseo de Roxas sa Lungsod ng Makati. Ang kaganapang ito ay tinaguriang “Prayer Rally versus Cha-cha” at pinangunahan ng mga taong simbahan mula sa iba’t ibang relihiyon.  Layunin ng pagtitipon na ipahayag ang pagkontra at pagkondena ng sambayanan sa panukala ng isinusulong ng mababang kapulungan ng kongreso na baguhin ang saligang batas.
 
Makulay, masaya at mapayapa ang kabuuang tinakbo ng demonstrasyon. Dinaluhan ito ng iba’t ibang personalidad at grupo na karaniwang hindi nagsasama sa iisang pagkilos. Halos lahat ng mga presidentiables ay dumating at nagbigay ng kanilang saluubin sa usapin ng cha-cha. Naroon din ang iba’t ibang pampulitikang partido, grupo at bloke na salit-salit na nagpahayag ng kanilang oposisyon sa cha-cha at kay Gloria. Pumunta ang mga taong simbahan galling sa iba’t ibang denominasyon at paniniwala kasama na ang mga muslim.
 
Ang buong kaganapan ay kinatampukan ng makulay na martsa ng mga delegasyon, mataimtim na dasal ng bawat reliyosong nanawagan ng pagbabago, mga nangangalit na pahayag ng personalidad laba kay Gloria at kulturang pagtatanghal na tumutuligsa sa kasalukuyang kaganapan. Matapos maibulalas ng mga partisipante ang kanilang mga hinaing sa pakulo ng Malakanyang, tahimik na umalis ang ralyista subalit nangakong hindi yon ang katapusan ng laban at itutuloy nila ang maliban sa pagpasok ng bagng taon.
 
Sa aking pananaw, maganda naman ang kabuuang konsepto ng paglulunsad ng mga protesta laban sa kasalukuyang nanunungkulan sa Malakanyang. Lihitimo at tunay naman ang nilalaman na hinaing ng sambayanan na nilalatag sa mga pagtitipon. Walang duda na dapat na palitan ang mga naghahari sa bayan. Sa ganitong usapin, kaisa ako sa layunin at hinaing ng mga ralyista.
 
Ngunit may ilan lang akong mga usapin nais talakayin na sana’y hindi masamain ng mga organizer ng ganitong pagtitipon. Pilitin kong isa-isahin ang mga ito upang mabigyanito ng pansin. Ang pagkakasunod ng mga katanungan at usapin ay hindi ayon sa halaga ng usapin. Ito’y batay lamang sa kung ano ang una na lumabas sa aking isipan.
 
Una, bakit sa Makati (malayo kasi ito sa karaniwang dumadalo ng rally)? Dahil ba sa alyado ang mayor at nabibigyan kaagad ng permit. Kung kailangan ng permit para makapaglunsad sa rally, ibig sabihin ba nito hindi kaya igiit ang karapatan sa malayang pagtitipon?
 
Ikalawa, bakit madali umalis ang natipong tao (sa halip na lumaki, mabilis na lumiliit ang bilang ng mga partisipante)? Ito ba’y dahil sa pagod na sila pagdating lugar o nagmamadali dahil may mga gawain pa sila sa kanilang mga tahanan? Kung ito ang dahilan nila, pwede ba nating sabihing hindi ganun kamumpbinsido sa magiging resulta ng pagtitipon?
 
Ikatlo, bakit napakaraming tagapagsalita (halos pare-pareho namanang sinasabi)? Ito ba’y akomodasyon sa lahat ng grupo sumama sa rali? Hindi ka ba talaga kaya na isang paksa, isang tagapagsalita? Ito ba’y tanda na hindi tuna yang pinakikitang pagkakaisa?
 
Marami pa akong katanungan pero siguro sa ibang pagkakataon na lang. Marahil bukod sa laman, mahalaga na bigyan ng diin ng mga organizer na mas kailangan bigyan diin ang tunay na pagmumulat at pag-oorganisa sa mga mamamayan bilang paghahanda sa kanilang kusang loob na pagkilos kaysa sa mga showcase mobilization na hindi naman kaya ituloy-tuloy. Kung ganito-ganito ang mangyayari, malabang mas lumiit ang sumama o humirap ang pagpapakilos sa mamamayan kahit sa harap ng matinding krisis. Kapag nagkataon, mas lalong hindi makakamit ang inaasam na pagbabago.
 
Ito ang aking ISANG SENTIMONG PANANAW !

Share and Enjoy!
Digg Stumble This Del.icio.us Mixx Furl Propeller Simpy Live Twitthis Add To Slashdot Spurl Google Yahoo Reddit Technorati Blinklist Blogmarks Smarkings Ma.gnolia SphereIt Sphinn Feedmelinks

Sangkatutak na Isyu sa Panahon ng Kapaskuhan

Lathala ni gomezlaw | Thursday, December 25, 2008 | | 0 comments »

Dalawang linggo na mula ng huli akong nakapaglathala ng aking pananaw sa isang usapin, paksa o pangyayari sa aking kapaligiran. Sadyang napakaraming maaaring isulat sa mga nagdaan na dalawang linggo.  Sa dami at bilis ng mga pangyayari para akong nagsilbing simpleng tagamasid lamang sa mga ganapan. Nagulantang ako! Sinisimulan ko pa lang isulat ang isa, myaroon na kaagad na sumambulat na bagong isyu. Sa halip na makabuo ako ng isang artikulo, natigilan ako at natambakan paksang nais kong tugunan.

Gayun pa man, sisikaping kong makapaglabas pa rin ng aking pananaw sa mga nangyari. Kung hindi sa lahat ng usapin, kahit pinakamalalaki at pinakamahahalagang isyu ng bayan. Sabi nga “huli man ay magaling, naihahabol din”. Bukod pa mga mayor na usaping nakakaapekto sa ating bayan, marami rin akong naputahang pagtitipon na mamaaring kapulutan ng aral at pwedeng ibahagi sa aking mga tagasubaybay.

Siguro para na lang hindi ko makalimutan ang nais kong isulat na artikulo, ililista ko na lang ito dito upang maging gabay ko sa paglikha ng mga akda. Ang mga sumusunod ay ang pangyayaring nais ko sanang gawan ng mga artikulo at ilathala dito sa aking blog: ang anti-chacha rally sa Makati, ang walang katapusang pandinig sa senado hinggil sa fertilizer scam, ang terrorist attack sa Mumbai, ang pambabato ng sapatos kay pangulong Bush ng Amerika, ang pamaskong pamimili ng mga regalo sa mga Divisoria, ang mga pagsabog sa Iligan City at pinahuling SWS survey sa taong ito hinggil sa kahirapan.

Marami akong pwedeng idagdag sa listahan katulad ng binabanggit kong mga pagtitipon na aking nadaluhan, ang mga karanasan ng aking mga kaibigan sa panahong nabanggit at pananaw ng kasama ko sa krisis na dumadagok sa buong mundo. Nandya din, ang mga espektasyon at pangako sa darating na bagong taon. Grabe! Ang dami talagang pwede isulat. Ngunit ito muna ang kaya kong isulat sa ngayon-isang listahan.

Alam ninyo, kung mayroon akong natutunan sa yugtong ito ng aking buhay hinggil sa pagsusulat, ito ay  ang lahat ng bagay ay natutunan at nagbabago. Ang kailangan lamang ay bigyan natin ito ng tamang panahon at konsentrasyon. Kailangan ding matuto tayong umangkop at tumanggap ng ating mga kakakulangan upang mabago natin ang ating mga pagkakamali.
Isa pa sa mahalagang aral na aking natutunan, hindi sapat ang diwang manuri sa pagbuo ng isang artikulo. Ang pagpapaunlad ng kakayanan at matiyagang pagsisikap ay mahalagang elemento upang makasulat ng isang lathalain. Naging litaw ito sa pinakhuling na kaganapan nang hindi ako nakatugon sa biglaan buhos ng mga pangyayari. Kapuna-puna talaga ang kakulangan ko sa karanasan at kakayanan sa mga ganitong pagkakataon.

Kaya minarapat ko na ring isulat ang ganitong karanasan upang magtuloy-tuloy ang diwa ng pagtugon sa pamamagitan ng pagsusulat. Nais ko ring ipaliwanag at maunawaan ng mga mambabasa ang kawalan ng mga bagong artikulo sa aking blog. Sa ganitong paraan nasimulan ko uli dumaloy ang adrenalin ko sa pagsusulat.

Sana aking karanasan ay nakatulong sa ibang blogger na tulad ko. Hanggang dito na lamang at maraming salamat. Maligayang Pasko at Mapagpalayang Bagong Taon sa inyong lahat.

Share and Enjoy!
Digg Stumble This Del.icio.us Mixx Furl Propeller Simpy Live Twitthis Add To Slashdot Spurl Google Yahoo Reddit Technorati Blinklist Blogmarks Smarkings Ma.gnolia SphereIt Sphinn Feedmelinks
2008-12-11

Pandaigdigang Araw para sa Karapatang Pantao

Lathala ni gomezlaw | Thursday, December 11, 2008 | , | 0 comments »

Kahapon, ika-10 ng Disyembre, ang ika-60 Taon ng Pandaigdigang Araw para sa Karapatang Pantao. Taun-taon ay ipinadiriwang ang araw na ito dito sa Pilipinas at sa buong mundo. Para sa taong ito, ang tema ay "Dignidad at Hustiya para sa Lahat". Nakasentro lahat ng buong organisasyon ng UN para tulungan ang lahat na malaman at maintindihan ang kanilang mga karapatang pantao.

Upang malaman natin ng husto ang ating mga karapatan, dapat mabasa at maintindihan natin ang Pandaigdigang Pahayag ng mga Karapatang Pantao. Mabisang armas ang kaalaman hinggil dito para hindi tayo maabuso ng mga taong nagnanais na labagin ang ating karapatan. Tiyakin natin na maunawaan natin ito at mapalaganap sa ating mga kaibigan at kapamilya.

Nagiging mas mahalaga ito para sa ating Pilipino dahil sa pagtaas ng mga tala sa paglabag sa karapatang pantao nitong mga nagdaang panahon. Ang masaklap pa dito ay mismong dapat na nagbibigay proteksyon para hindi ito malabag ay siya ang nangunguna sa pagabuso dito. At ang karaniwang biktima ng mga paglabag ay mga aktibista, mamamahayag at karaniwang tao.

Kung titignan ang lumalabas na tala ng mga paglabag ng rehimeng ito sa karapatan ng mga mamamayan, makikita natin halos mataas pa ito sa pinagsama-samang tala ng paglabag  sa panahon ng tatlong nagdaang pangulo. Ang mabagsik dito ay walang ginagawa ang kagawaran ng hustiya at sa halip ay ipinagtatanggol pa ang mga lumabag.

Nitong mga huling araw, saksi tayo sa kaliwa't kanan na krimen na nangyayari sa ating kapaligiran. Hindi ito masawata ng otoridad ang mga kriminal. Kaya sa kagustuhan nito makapagpogi sa sambayanan at sa mga nakakataas, naglulunsad sila ng mga sunud-sunod na operasyon upang mahuli ang masasamang loob at maganda ang mga paunang lumabas na balita dito.

Ayos! Tagumpay ang mga otoridad. Patay ang mga kriminal sa engkwentro. Ay mali pala! Lumalabas sa mga huling balita na hindi lang pala kriminal ang mga napatay. Marami palang sibilyan na nadamay at namatay sa labanan. Ang tanging krimen ng mga sibilyang ito ay nasa lugar sila nang maganap ang enkwentro.

Mayroon ding mga pangyayari na mali talaga ang intelligence report o ang natukoy na suspek pero tinutuluyan pa rin ang mga ito. "Rub out" ang taguri dito. Karaniwang biktima ng mga rob out ay pinapatay na. Sabi nga hindi nakakapagreklamo ang patay. 

Kapag lumabas na ang mga balita ng mga anomalya sa mga engkwetro at operasyon,  itinatanggi ito ng mga otoridad. Sa halip na aminin at humingi ng paumanhin,  naglulubid ito nang kung anu-anong kasinungalingan at sinisiraan pa ang mga biktima ng kanilang karahasan. Ang mabigat pa nito, pati ang mga husgado at batas ay pinapaboran pa ang mga mamamatay tao.

Kung ganito na ang nagyayari sa ating bayan, pano na ang sambayanang Pilipino? Habang lumalala ang kriminalidad dito sa atin ay tumataas din ang paglabag sa mga karapatang pantao. Ano na ang mangyayari sa karaniwang tao kung ang mismong dapat nagpapatupad ng batas ay siya mismo ang lumalabag dito? At ang mismong kagawaran na siyang dapat magtaguyod ng hustiya ay kumakampi sa mga kalabang ng hustiya.

Pano na kaya ang pinirmahan ng Pilipinas na Pandaigdigang Pahayag sa mga Karapatang pantao kung mismo ang mga namumuno ay kinukunsinti ang mga lumalabag dito. Mayroon pa kayang karapatan ang mga nammuno sa atin na humarap sa UN kung sila mismo ay hindi tinutupad ang mga internasyunal na kasunduan. Ano pa ang silbi ng mga ganitong deklarasyon kung hindi naman nito kaya bigyan ng tunay na proteksyon ang mga ordinaryong mamamayan ng isang bansa?

Kayo, mambabasa, ano tingin nyo?

Share and Enjoy!
Digg Stumble This Del.icio.us Mixx Furl Propeller Simpy Live Twitthis Add To Slashdot Spurl Google Yahoo Reddit Technorati Blinklist Blogmarks Smarkings Ma.gnolia SphereIt Sphinn Feedmelinks
2008-12-10

Ang Halaga ng Buhay ng Isang Tao

Lathala ni gomezlaw | Wednesday, December 10, 2008 | | 1 comments »

Tunay na magpapasko na nga. Kaliwa’t kanan na ang mga pagtitipon. Mayroong mga “reunion” ng mga dating magkakasama. Bawa’t opisina ay nagdadaos ng kanya-kanyang “Christmas party”. Mayroon din namang nagdidiwang ng kaarawan. Nguni’t sa lahat ng nadaluhan kong pagtitipon, may isa akong napuntahang kakaiba- isang fund-raising concert para sa mga biktima ng kanser.

Sasabihin ninyo siguro, ano naman ang kakaiba dito? Natural naman ang mag”fund-raising” para sa mga mayroong sakit na kanser. Ang kakaiba dito ay mismong ang maysakit ang siyang nag-umiikot para istimahin ang mga dumalo sa konsierto. Pinapaliwanag at pinapaintindi ang kanyang pinagdadaanan at kung paano niya ito nilalabanan sa araw-araw.

Hanga talaga ako sa katatagan ng loob ng aking kaibigan. Sa gitna ng pinagdadaanan niya, masaya siyang nakikipaghuntahan sa mga bisita. Nagpapayo din siya sa mga dumalo na iwasan ang bagay na magdadala sa isang tao ng sakit na kanser. Kaya ang mga bisita, nagbahagi na rin ng kanilang mga saloobin at suporta sa mga biktima ng kanser.

Dahil na rin sa gantong postura ng maysakit, naging napakasaya ang dinaos na konsierto. Sumasabay sa bawat awitin ang mga bisita. Mayroon ding sumasayaw sa saliw ng mga tutog ng mga “revival music”. Mayroon ding nagboluntaryo pa para maghandog ng kanyang mga awitin. Naging buhay na buhay ang gabi para sa kakaibang pangyayari.

Nguni’t ang kasiyahan ay biglang binalot ng kalungkutan. Isang balita ang dala ng bagong dating na bisita. Isa sa dati naming kasama ang pumanaw tatlong oras pa lamang ang nakakaraan. Pinatay siya ng mga hindi pa nakikilang salarin. Halos lahat ng tao sa konsierto ay kilala ang namatay. Mabilis na nagbigay ng ilang minutong katahimikan ang lahat habang may umaawit ng “leaving on a jet plane”.

Naging madamdamin ang mga bisita. Karamihan sa kanila ay nakatrabaho ang pumanaw. Mismong ang maysakit ay napakalapit sa pumanaw. Talaga naman na hahanap-hanapin mo ang katulad ng isang pumanaw, lalong lalo na’ tuwing mayroon pagdidiriwang ay parati siyang dumadalo at nagbibigay ng kasiyahan sa mga kaibigan. Sa totoo lang, hinihintay siya sa gabing yon nguni’t balita ng kanyang kamatayan ay siyang dumating.

Ang hirap talagang unawain ng buhay. Hindi mo alam kung ano ang maaari mong pagdaanan o kailan ka magpapaalam sa buhay. Mayroong mga taong dumadaan sa napakaraming pang paghihirap bago tuluyang magpaalam. Mayroon din namang bigla na lamang nawawala na simbilis ng kidlat. Mayroong nakakapaghanda at mayroong hindi. Mayroong nakasulit ng buhay at mayroon din namang bumubukadkad pa lang ang pinipitas na.

Siguro hindi mahalaga ang aktwal na usapin kamatayan dahil lahat naman ng mayroong simula ay mayroon ding katapusan. Lahat tayo ay doon din ang tungo. Hindi rin usapin kung gaano ang tagal ng nilagi mo dito sa daigidig. Ang mahalaga ay kung paano mo ginugol ang panahon mo sa mundo. Mayroon bang saysay ang nilagi mo dito? o wala?. Mayroon bang naging pakinabang ang iyong paligid o sangkatauhan sa iyo? o wala?. inuna mo ba ang iyong kapwa? o ang sarili mo lang?. Naglikod ka ba sa iyong bayan? o nakatulong ka pa sa pagpapahirap sa bayan?


Share and Enjoy!
Digg Stumble This Del.icio.us Mixx Furl Propeller Simpy Live Twitthis Add To Slashdot Spurl Google Yahoo Reddit Technorati Blinklist Blogmarks Smarkings Ma.gnolia SphereIt Sphinn Feedmelinks
2008-12-08

Pacquiao: Bagsak kay Dela Hoya?

Lathala ni gomezlaw | Monday, December 08, 2008 | , | 2 comments »

“PACQUIAO, BAGSAK KAY DELA HOYA!”. Ito ang inaasahang ulo ng mga balita matapos ang tinaguriang “The Dream Match”. Ngunit kabaligtaran ang nangyari, si Oscar dela Hoya ang umayaw bago pa magsimula ang ika-9 na yugto ng labanan. Marami ang nabigla, marami ang hindi makapaniwala sa kaganapan.

Bakit nga ba marami ang nagulantang sa pangyayari? Bago magsimula ang laban, karamihan sa eksperto ay naniniwala na “mismatch” ang laban pabor kay Dela Hoya. Kaya mga sa pustahan ay 2-1 ang labanan pabor din kay Oscar. Mas marami talaga ang naniniwala na si Dela Hoya ang walang alinglangang magtatagumpay sa boksing nila ni Pacquiao.

Ang tanging kalamangan ni Dela Hoya kay Pacquiao ay tangkad at haba ng abot ng kamao. Ito lamang ang may posibleng epekto sa laban nilang dalawa. Kung magagamit ni Oscar ang ganitong bentahe, mahihrapan si Manny na makalapit o makakonekta ng suntok. Ang iba pang binabanggit na kalamangan ay suhetibong pananaw lamang ng mga naniniwala kay Dela Hoya.

Ang lamang naman ni Pacquiao kay Dela hoya ay edad. Anim na taon ang pagitan ng dalawa. Sa mundo ng boksing, mapagpasya ang edad. Ang bata ay mas mabilis, malakas at maliksi. Dito tunay na masasabi na “mismatch” ang laban pabor kay pacquiao at hindi kay Dela Hoya.

At ito ang pinatunayan sa labanang ito. Panoorin natin ang ika-7 at 8 yugto ng laban ni Manny at Oscar.


Sa mundo ng palakasan, ang lahat ng manlalaro ay may kanya-kanyang panahon sa pasikat at tagumpay at ganun din sa palaos at kabiguan. Ibig sabihin lamang lahat ng nasa taas ay bumababa din; lahat ng luma ay mapapalitan ng bago. Eto ang istorya sa likod ng "Dream Mismatch."

Share and Enjoy!
Digg Stumble This Del.icio.us Mixx Furl Propeller Simpy Live Twitthis Add To Slashdot Spurl Google Yahoo Reddit Technorati Blinklist Blogmarks Smarkings Ma.gnolia SphereIt Sphinn Feedmelinks
2008-12-06

Isang Pagtitipon, Isang Kisap ng Pag-asa

Lathala ni gomezlaw | Saturday, December 06, 2008 | , | 0 comments »

Magandang umaga kabayan! Ala-una y media ng hatinggabi at hindi pa rin ako dinadalaw ng antok, Epekto ito siguro ng ininom kong kape. Galing ako sa isang birthday party ng isang kaibigan. Nagkainuman ng kaunti kaya pagdating ng bahay, nagkape pampababa ng tama. Kaya lang ito ang resulta - nawala ang antok.
 
Ang sarap talaga pag nagkikita ang mga dating magkakasama. Hindi maputol ang bidahan. Puro balik tanaw sa masasayang pinagsamahan, pinagsaluhan at pinagtulungan mga gawain at karanasan. Kaya minsan nasasabi mong "kung maibabalik ko lang...." dahil alam mo na ang mga nahangong aral sa bawat tagumpay at kabiguan ng nakaraan. Marami ka sanang naiwasan na maling daan at napabilis ang dating sa inasam na destinasyon.
 
Nakakatuwa ang mga ganitong pagtitipon dahil bukod sa mga kwentuhang walang katapusan, nakikita mo rin ang ibang kaibigan na matagal nang hinahanap.  Mayroong mga dumadating na halos nakalimutan mo na ang itsura sa tagal ng panahong hindi mo man lang nakasalubong kahit minsan. Mayroon ding ayaw mo nang makita pero sumusulpot sa mga ganitong okasyon.
 
Sa hinaba-haba ng panahong kayo'y nagkahiwalay, marami na ang nag-iba. Mayroong nagbago ang anyo ng pangangatawan-ang iba’y pumayat ngunit karamihan ay tumaba. Mayroon ding nakakalbo na at mayroon ding puro pustiso na. Andyan din ang inabutan na ng edad ang itsura. Pero mayroon ding mga kaibigan na hindi nagbago ang itsura at parang hindi tumanda sa pagdaan ng panahon.
 
Ang 30 taong paghihiwalay ay nagdulot ng pagbabago kahit sa antas ng pamumuhay ng mga magkakaibigan. Marami ang nagtagumpay at naabot ang inaasam na buhay. Mayroong iba na mejo naantala ang pag-unlad ngunit naihabol pa rin ang kabuhayan. Nandyan din ang hanggang sa ngayon ay nakikipaghamok pa rin sa buhay.
 
Pero kahit na marami na ang nagbago sa mga dating magkakasama, mayroong mga bagay na hindi pa rin nagbabago at ito ay pagtuturingang kasama. Ang kasama ay kasama.-walang maliit o malaki, walang bata o matanda at higit sa lahat, walang mahirap o mayaman. Ang samahang ito ang gumagawa ng isang masarap at tagumpay na pagtitipon- hindi ang pagkain o inumin. Dahil sa kwentuhan pa lang busog ka na, lasing ka pa!
 
Ngunit ang pinakamahalaga sa mga ganitong pagkikita ay hindi pagbitiw ng mga kasama sa pag-asam ng pagbabago sa lipunang Pilipino. Gumanda man ang buhay o hindi, patuloy pa rin ang mga kasama sa paghahangad ng mabuting buhay sa bawat pamilyang Pilipino. Marami ang hanggang sa ngayon ay bahagi pa rin ng mga kilusang pagbabago. Ang iba nama’y patuloy pa ring tumutulong sa kanya-kanyang paraan upang makapag-ambag sa pagbabago. Samantalang ang ilan nama’y nagdesisyon na tulungan ang mga dating kasama hindi pinalad sa laban ng buhay.
 
Kaya nga sa mga ganitong pagtitipon, hindi ka lang nabubusog at nalalasing kundi nabubuhay din ang diwa’t isip mo na dapat ituloy ang laban para sa pagbabago.

Share and Enjoy!
Digg Stumble This Del.icio.us Mixx Furl Propeller Simpy Live Twitthis Add To Slashdot Spurl Google Yahoo Reddit Technorati Blinklist Blogmarks Smarkings Ma.gnolia SphereIt Sphinn Feedmelinks
2008-12-04

Konstitusyon: Tiyaking Makabayan at Demokratiko

Lathala ni gomezlaw | Thursday, December 04, 2008 | , | 0 comments »

Mula pa sa panahon ni pangulong Fidel V. Ramos hanggang ngayon, ang inisyatiba o pagtatangka para baguhin ang saligang batas ay hindi matapos-tapos. Sa bawat pangulo na nagdaan, ang pagpapalit ng konstitusyon ay parating isa sa napakahalagang usapin. Nguni’t sa tuwing ito’y tinatangkang isulong ng mga tagasuporta nito, hindi ito sinasang-ayunan ng ibang sangay ng pamahalaan at ng mga taga-‘civil society’.
 
Kung ako ang tatanungin, wala naming masama sa pagbabago ng saligang batas. Sa totoo lang naman, darating naman talaga ang pagbabago gustuhin man natin o hindi. Ang tanging usapin lamang ay kung kailan ito dapat maganap, sino ang gagawa ng pagbabago at ano ang lalamanin ng pagbabago. Tatlong mahalagang usapin na magtatakda ng kinabukasan ng sambayanang Pilipino.
 
Ang unang usapin, kailan ito dapat maganap? Kung ang saligang batas ay hindi na umaangkop sa kasalukuyang kalagayan ng bayan o hindi na ito tumutugon sa pangangailangan ng bayan, dapat na itong baguhin. Ang dapat lamang tiyakin na ang panahon ng pagbabago ay hindi maglilingkod sa interes ng iilang pulitiko kundi sa interes ng nakakaraming Pilipino. Ibig sabihin hindi ito dapat magpapalawig ng termino ng panunungkulan ng kahit sinong halal na pinuno ng bayan (peke man o totoo).
 
Ikalawang usapin, sino ang gagawa ng pagbabago? Ang saligang batas ay ang tumatayong pangkalahatang balangkas ng lipunang Pilipino. Kung buong bayan ang maaapektuhan ng pagbabago, dapat lamang na maging bahagi silang proseso ng pagbabago. Ibig sabihin, isang tunay na ‘constitutional convention’ ang wastong pamamaraan para tio’y baguhin. Ang “Con-Con” ay dapat buuin ng mga kinatawan ng lahat ng sektor o uri ng lipunang Pilipino. Ang hatian ng bilang ng mga kinatawan ay dapat ibatay sa bilang ng isang sektor relatibo sa buong populasyon ng mamamayang Pilipino.
 
Ikatlong usapin, ano ang dapat lamanin ng pagbabago? Ang saligang batas ay dapat magsilbi sa tunay na pangangailangan ng bayan at hindi sa iilan lamang. Dapat lamanin ng konstitusyon ay mga usapin na magbubuklod, magpapalakas at magpapaunlad sa lipunang Pilipino. Ibig sabihin, dapat nitong proteksyunan at itaguyod ang kalupaan, likas na yaman at mamamayan ng Pilipinas. Malinaw dapat na ang mga Pilipino ang karapat-dapat at unang-una na makinabang sa ano mang pagbabago. Hindi dapat isuko ang ano mang atin sa mga interes ng mga dayuhan o ng iilang lokal na naghahari sa bayan.
 
Kung masusunod lamang ang napakarami kong DAPAT, malamang lulusot ang ano mang tangkang pagbabago sa saligang batas. Kung bubuudin ko ang aking posisyon at isasalin sa mga kasalukuyang nangyayaring debate, ganito ito lalabas:
  • Magpatawag ng Constitutional Convention. Maghalal ng mga delegado na kakatawan sa mga sector ng lipunang Pilipino. Tiyakin na ang bilang ng mga delegado ay batay sa kabuuang bilang ng sector relatibo sa bilang ng buong populasyon ng lipunang Pilipino
  • Isabay ang paghahalal ng mga delegado ng Con-Con sa darating ng halalan sa 2010. Walang palalawiging termino. Ang termino ng lahat ng mga bagong halal ay matatapos batay sa lumang konstitusyon.
  • Para sa lalamaning pagbabago, maglunsad ng kosultasyon ang lahat ng representante sa mga sektor na kanilang kinakatawan. Dito matitiyak na ang isusulong ng mga delegado ay ang mga usaping magbibigay ng proteksyon at kaunlaran sa kanilang sektor.
 
Kung tunay ang pagnanais ng mga tagasuporta sa pagbabago ng saligang batas at wala silang personal o pinaglilikurang interes, ang ganitong mungkahi ay medaling sang-ayunan. Ngunit kung ang nagnanais ng pagbabago ay mga tuta ng dayuhan o naghaharing iilan sa bayan, tiyak hindi sila sa papayag. Ang ganitong “formula’ sa pagbabago ng konstitusyon ay malinaw na may pinapaboran-ang nakakaraming bilang ng mamamayang Pilipino.

Kayo mga kabayan, ano tingin nyo?

Share and Enjoy!
Digg Stumble This Del.icio.us Mixx Furl Propeller Simpy Live Twitthis Add To Slashdot Spurl Google Yahoo Reddit Technorati Blinklist Blogmarks Smarkings Ma.gnolia SphereIt Sphinn Feedmelinks
2008-12-02

BayaniJuan: Makabayang Proyekto

Lathala ni gomezlaw | Tuesday, December 02, 2008 | , | 1 comments »

Isang linggo na nang huli akong nakapagsulat ng isang artikulo. Ang hirap talagang lumikha ng isang akda kung ikaw ay hindi naman talaga manunulat. Kailangan mo ng mas matinding pagsisikap at inspirasyon para lamang makabuo ng isang ordinaryong sulatin. Dito ako kinulang kaya nahirapan akong sumulat kahit sa gitna ng napakaraming ganapan sa ating paligid.

Dahil nga wala naman talaga akong angking kasanayan sa pagsusulat, hindi ko na rin pinilit ang sarili ko at sa halip ay inilagay ang aking panahon sa pagpapaunlad ng anyo ng aking blog kung saan, mayroon akong konting kasanayan. Siguro naman napansin nyo ang mga pagbabago sa kulay at ilang lipatan ng mga widgets.

Isa pang pinakaabalahan ko ay pagbabasa ng mga sinusundan kong blog na may mga paksang pulitikal at panlipunan. Nagbabakasali ako na makakuha ng inspirasyon mula sa mga ito. At ito nga, napadpad ako sa blog na nagngangalang “This Is My Philippines” at napansin ko ang isang artikulo hinggil sa “Bayan ni Juan” ng ABS-CBN.

Sa totoo lang, may relatibong paghanga ako sa ABS-CBN kaysa sa ibang istasyon na nagsasabing sila ay walang pinapanigan. Pabor ako sa posisyon ng ABS-CBN na kumiling sa bayan kesa pumatgitna at walang posisyon sa usaping pambayan. Lalo pang pinatunayan ng ABS ang posisyon nila sa mga news and public service program nila katulad ng Bandila at iba pa.

Ang repackaging at integrasyon ng iba’t ibang programa na may temang serbisyo publiko sa ilalim ng “Bayan ni Juan” at paglalapat dito ng makabayang timpla ay nagpatibay pa sa relatibong paghanga sa ABS. Kaya nang makita ang blog ni Procopio at ang mga reaksyon ditto ng mga kababayan natin, hindi na ko nagdalawang isip na suportahan ito sa pamamagitan ng pag-reprint ng ilang laman ng blog niya.

Hinggil ito sa MTV ng Bagong Simula- ang opisyal na awitin ng Bayan ni Juan. Ito na ta tunghayan natin.






Bagong Simula Lyrics


[Kevin Roy]
Parang isang gabing walang katapusan
Sa bawat mesa, asin lagi ang ulam
umaalog sa alkansya pisong pinagpawisan
Batang nakahubad kumot ang lansangan


[Yael Yuzon]
lupaing kinalbo minsa’y nadidilig
Ng dugo sa away ng kapatid sa kapatid


[Mark Abaya]
Sa kalagayang ito tayo ay nakagapos
Parang awa sana ay dito magtapos


(CHORUS)
Todo na to!


Liparin ang langit na bughaw
Pagningningin mga tala at araw
Mamumulang muli ang silangan
sa bagong simula ng ating bayan


[Kitchie NAdal]
wag lang maulit kapalarang kay pait
wag magpabaya wag kang manahimik
wag kang manlalamang, wag kang manggigipit
wag magkanya-kanya, magkaisang bisig




[Yeng Constantino]
Pag malasakit ito’y kabayanihan
gawin mo ano mang makayanan
kalagayan ng baya’y sumasama lamang
kung walang gagawin tayong mamamayan


(Chorus)
Todo na to!


Liparin ang langit na bughaw
Pagningningin mga tala at araw
Mamumulang muli ang silangan
sa bagong simula ng ating bayan


[Placid]
Liparin ang langit na bughaw
Pagningningin mga tala at araw
Mamumulang muli ang silangan
sa bagong simula ng ating bayan


[Tugma]


[Narration]
Ipakita natin sa ating mga magulang
mga kapatid kaya natin to
isang subok pa, sabay sabay na
walang kokontra, todo na to


(CHORUS)
Todo na to!
Liparin ang langit na bughaw
Pagningningin mga tala at araw
Mamumulang muli ang silangan
sa bagong simula ng ating bayan
Bagong simula ng ating bayan!!!!

(Ang kopya ng lyrics ay galing sa This Is My Philippines)

Share and Enjoy!
Digg Stumble This Del.icio.us Mixx Furl Propeller Simpy Live Twitthis Add To Slashdot Spurl Google Yahoo Reddit Technorati Blinklist Blogmarks Smarkings Ma.gnolia SphereIt Sphinn Feedmelinks