Loading...
2008-12-06
Isang Pagtitipon, Isang Kisap ng Pag-asa
Lathala ni gomezlaw | Saturday, December 06, 2008 | Pagdiriwang, Panlipunan | 0 comments »Magandang umaga kabayan! Ala-una y media ng hatinggabi at hindi pa rin ako dinadalaw ng antok, Epekto ito siguro ng ininom kong kape. Galing ako sa isang birthday party ng isang kaibigan. Nagkainuman ng kaunti kaya pagdating ng bahay, nagkape pampababa ng tama. Kaya lang ito ang resulta - nawala ang antok.
Ang sarap talaga pag nagkikita ang mga dating magkakasama. Hindi maputol ang bidahan. Puro balik tanaw sa masasayang pinagsamahan, pinagsaluhan at pinagtulungan mga gawain at karanasan. Kaya minsan nasasabi mong "kung maibabalik ko lang...." dahil alam mo na ang mga nahangong aral sa bawat tagumpay at kabiguan ng nakaraan. Marami ka sanang naiwasan na maling daan at napabilis ang dating sa inasam na destinasyon.
Nakakatuwa ang mga ganitong pagtitipon dahil bukod sa mga kwentuhang walang katapusan, nakikita mo rin ang ibang kaibigan na matagal nang hinahanap. Mayroong mga dumadating na halos nakalimutan mo na ang itsura sa tagal ng panahong hindi mo man lang nakasalubong kahit minsan. Mayroon ding ayaw mo nang makita pero sumusulpot sa mga ganitong okasyon.
Sa hinaba-haba ng panahong kayo'y nagkahiwalay, marami na ang nag-iba. Mayroong nagbago ang anyo ng pangangatawan-ang iba’y pumayat ngunit karamihan ay tumaba. Mayroon ding nakakalbo na at mayroon ding puro pustiso na. Andyan din ang inabutan na ng edad ang itsura. Pero mayroon ding mga kaibigan na hindi nagbago ang itsura at parang hindi tumanda sa pagdaan ng panahon.
Ang 30 taong paghihiwalay ay nagdulot ng pagbabago kahit sa antas ng pamumuhay ng mga magkakaibigan. Marami ang nagtagumpay at naabot ang inaasam na buhay. Mayroong iba na mejo naantala ang pag-unlad ngunit naihabol pa rin ang kabuhayan. Nandyan din ang hanggang sa ngayon ay nakikipaghamok pa rin sa buhay.
Pero kahit na marami na ang nagbago sa mga dating magkakasama, mayroong mga bagay na hindi pa rin nagbabago at ito ay pagtuturingang kasama. Ang kasama ay kasama.-walang maliit o malaki, walang bata o matanda at higit sa lahat, walang mahirap o mayaman. Ang samahang ito ang gumagawa ng isang masarap at tagumpay na pagtitipon- hindi ang pagkain o inumin. Dahil sa kwentuhan pa lang busog ka na, lasing ka pa!
Ngunit ang pinakamahalaga sa mga ganitong pagkikita ay hindi pagbitiw ng mga kasama sa pag-asam ng pagbabago sa lipunang Pilipino. Gumanda man ang buhay o hindi, patuloy pa rin ang mga kasama sa paghahangad ng mabuting buhay sa bawat pamilyang Pilipino. Marami ang hanggang sa ngayon ay bahagi pa rin ng mga kilusang pagbabago. Ang iba nama’y patuloy pa ring tumutulong sa kanya-kanyang paraan upang makapag-ambag sa pagbabago. Samantalang ang ilan nama’y nagdesisyon na tulungan ang mga dating kasama hindi pinalad sa laban ng buhay.
Kaya nga sa mga ganitong pagtitipon, hindi ka lang nabubusog at nalalasing kundi nabubuhay din ang diwa’t isip mo na dapat ituloy ang laban para sa pagbabago.
Share and Enjoy!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Post a Comment
Kaibigan, sa opinyon mo, tama ba ito o mali? Bakit?