Loading...
2008-12-26
Pandinig sa Senado Papunta sa Kawalan
Lathala ni gomezlaw | Friday, December 26, 2008 | Korapsyon, Pulitika | 0 comments »Habang abala ang lahat sa paghahanda para sa Pasko, tuloy pa rin ang teleserye sa senado. Pinatawag ng senado ang ilang personalidad na naugnay sa “fertilizer scam”. Inulan sila ng mga katanungan mula sa mga senador hinggil sa naging papel nila sa nasabing scam. Sa simula ay magulo ang naging takbo ng pandinig. Ngunit sa huli, naging malinaw ang modus operandi ng grupo kung paano nagkaroon ng overpricing at gaano kalaki ito. Ang malungkot lang ay hindi sumipot ang “missing link” na mag-uugnay sa grupo kay Bolante.
Natapos ang pandinig na walang linaw kung matutukoy pa ang mastermind ng nasabing scam. Tanging maliliit lang na isda lamang ang nahuhuli at nakakaligtas ang mga malalaking tao na siyang nag-utos at nagpatakbo ng buong operasyon. Malayo pa rin ang inaasam na hustiya ng sambayanan na magpaparusa sa mga taong nagnakaw sa kaban yaman ng bayan para sa pansariling interes.
Sa takbo ng drama hinggil sa fertilizer scam, mukhang sablay ang pagtatapos nito sa pangkaraniwang tapos ng mga teleserye. Dito, ang masasama ang siyang magwawagi at ang mabubuti ay mananatiling biktima hanggang sa huli. Ganito ang karaniwang takbo ng kwento sa lahat ng kaso na may kaugnayan ang gobyernong Arroyo.
Ang mga sumusunod ay ilan lang sa kaso na walang nangyari at hindi nakamtan ang hustiya: garci tape scandal, macapagal boulevard scam, comelec counting machine scheme, OWWA-health card fiasco, ZTE broadband kickback at DA-swine scam. Ilan lang ito sa mga usaping pinaglaanan ng napakahabang oras ng pandinig ng senado ngunit sa huli ay wala ring magandang kinalalabasan.
Ang problema kasi ay wala namang prosecutorial power ang senado. Ang lahat ng pandinig ay upang makagawa ng batas para wag na maulit ang mga nasabing kaso. Sa ganang akin, sapat na ang mga batas natin. Ang kulang ay ang pagpapatupad ng batas sa tamang paraan. Malakasang lang loob ng mga umiikot sa batas dahil alam nila may proteksyon ng malalaking tao sa gobyerno at kung minsan sila’y mga sundalo lamang na tumatalima s autos ng nasabing taong gobyerno.
Sa ganitong pamamaraan, hindi talaga titigil ang korapsyon sa ating bayan at sa halip ay lalo pa itong lalala. Kung sasabayan pa ito ng pananakot at pagpatay sa mga nagsasabi ng katotohanan, mababaon nang tuluyan ang bayan natin sa kumunoy ng korapsyon. Kapag ganito ang nangyari, ang mamamayan na dapat nakikinabang sa kaban-yaman ng bayan ay mas titindi ang dinaranas na gutom at kahirapan.
Kung ako lang ang tatanungin, sa halip na mag-aksaya ng oras sa mga pandinig, direktang dalhin ang isyu sa mga komunidad upang maging malinaw sa kanila ang mga pangyayari. Ang pundo na nasasayang sa mga ganitong pandinig ay gamitin sa pag-oorganisa ng sambayanan. Kung malinaw sa bayan na wala na tayong maaasahan sa pamahalaan na ito, ang bayan mismo ang kikilos upang baguhin ang kasalukuyang sistema.
Sa aking pagtantsa, ang lahat ng dramang ito ay isang calculated move para manatili pa rin ang kapangyarihan sa kamay ng mga nagpapalitang naghahari at huwag ilagay ng taong bayan ang kapanyarihan sa kanilang sariling kamay. Ang hirap lang, mukhang pati ang mga nagsusulong ng tunay na pagbabago ay sumasakay sa ganitong pakulo ng mga nagmimintini ng kasalukuyang sistema.
Hanggang dito na muna mga kaibigan at ito ang aking ISANG SENTIMONG PANANAW.
Share and Enjoy!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Post a Comment
Kaibigan, sa opinyon mo, tama ba ito o mali? Bakit?