Loading...
2008-12-11
Pandaigdigang Araw para sa Karapatang Pantao
Lathala ni gomezlaw | Thursday, December 11, 2008 | Internasyunal, Pulitika | 0 comments »Kahapon, ika-10 ng Disyembre, ang ika-60 Taon ng Pandaigdigang Araw para sa Karapatang Pantao. Taun-taon ay ipinadiriwang ang araw na ito dito sa Pilipinas at sa buong mundo. Para sa taong ito, ang tema ay "Dignidad at Hustiya para sa Lahat". Nakasentro lahat ng buong organisasyon ng UN para tulungan ang lahat na malaman at maintindihan ang kanilang mga karapatang pantao.
Upang malaman natin ng husto ang ating mga karapatan, dapat mabasa at maintindihan natin ang Pandaigdigang Pahayag ng mga Karapatang Pantao. Mabisang armas ang kaalaman hinggil dito para hindi tayo maabuso ng mga taong nagnanais na labagin ang ating karapatan. Tiyakin natin na maunawaan natin ito at mapalaganap sa ating mga kaibigan at kapamilya.
Nagiging mas mahalaga ito para sa ating Pilipino dahil sa pagtaas ng mga tala sa paglabag sa karapatang pantao nitong mga nagdaang panahon. Ang masaklap pa dito ay mismong dapat na nagbibigay proteksyon para hindi ito malabag ay siya ang nangunguna sa pagabuso dito. At ang karaniwang biktima ng mga paglabag ay mga aktibista, mamamahayag at karaniwang tao.
Kung titignan ang lumalabas na tala ng mga paglabag ng rehimeng ito sa karapatan ng mga mamamayan, makikita natin halos mataas pa ito sa pinagsama-samang tala ng paglabag sa panahon ng tatlong nagdaang pangulo. Ang mabagsik dito ay walang ginagawa ang kagawaran ng hustiya at sa halip ay ipinagtatanggol pa ang mga lumabag.
Nitong mga huling araw, saksi tayo sa kaliwa't kanan na krimen na nangyayari sa ating kapaligiran. Hindi ito masawata ng otoridad ang mga kriminal. Kaya sa kagustuhan nito makapagpogi sa sambayanan at sa mga nakakataas, naglulunsad sila ng mga sunud-sunod na operasyon upang mahuli ang masasamang loob at maganda ang mga paunang lumabas na balita dito.
Ayos! Tagumpay ang mga otoridad. Patay ang mga kriminal sa engkwentro. Ay mali pala! Lumalabas sa mga huling balita na hindi lang pala kriminal ang mga napatay. Marami palang sibilyan na nadamay at namatay sa labanan. Ang tanging krimen ng mga sibilyang ito ay nasa lugar sila nang maganap ang enkwentro.
Mayroon ding mga pangyayari na mali talaga ang intelligence report o ang natukoy na suspek pero tinutuluyan pa rin ang mga ito. "Rub out" ang taguri dito. Karaniwang biktima ng mga rob out ay pinapatay na. Sabi nga hindi nakakapagreklamo ang patay.
Kapag lumabas na ang mga balita ng mga anomalya sa mga engkwetro at operasyon, itinatanggi ito ng mga otoridad. Sa halip na aminin at humingi ng paumanhin, naglulubid ito nang kung anu-anong kasinungalingan at sinisiraan pa ang mga biktima ng kanilang karahasan. Ang mabigat pa nito, pati ang mga husgado at batas ay pinapaboran pa ang mga mamamatay tao.
Kung ganito na ang nagyayari sa ating bayan, pano na ang sambayanang Pilipino? Habang lumalala ang kriminalidad dito sa atin ay tumataas din ang paglabag sa mga karapatang pantao. Ano na ang mangyayari sa karaniwang tao kung ang mismong dapat nagpapatupad ng batas ay siya mismo ang lumalabag dito? At ang mismong kagawaran na siyang dapat magtaguyod ng hustiya ay kumakampi sa mga kalabang ng hustiya.
Pano na kaya ang pinirmahan ng Pilipinas na Pandaigdigang Pahayag sa mga Karapatang pantao kung mismo ang mga namumuno ay kinukunsinti ang mga lumalabag dito. Mayroon pa kayang karapatan ang mga nammuno sa atin na humarap sa UN kung sila mismo ay hindi tinutupad ang mga internasyunal na kasunduan. Ano pa ang silbi ng mga ganitong deklarasyon kung hindi naman nito kaya bigyan ng tunay na proteksyon ang mga ordinaryong mamamayan ng isang bansa?
Kayo, mambabasa, ano tingin nyo?
Share and Enjoy!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Post a Comment
Kaibigan, sa opinyon mo, tama ba ito o mali? Bakit?