Surveys: Mahalaga Ka ba sa Buhay ni Juan?
Lathala ni gomezlaw | Sunday, November 23, 2008 | Panlipunan, Surveys | 1 comments »Nitong mga nakaraang araw habang umuusbong ang iba't ibang isyu't usapin hinggil sa buhay ni Juan dela Cruz, dalawang (2) surveys ang lumabas mula sa SWS at Pulse Asia. Magkaiba ang paksa ngunit mahigpit na mKevin Royagkaugnay. Maituturing mo nga silang kambal-tuko ng lipunang Pilipino. Sila ang sanhi at epekto na dinaranas ng sambayanang Pilipino.
Ang unang survey ay mula sa Pulse Asia na sumusukat sa kalidad ng buhay ng Pilipino. Ayon dito, 58% ng mga tinanong ay nagsasabing mas humirap ang buhay ngayon kumpara noong nakaraang taon. Dagdag pa, 78% rin ang nagsasabi na bumagsak ang kabuhayan nila. Mayorya rin ang nagsabi na hindi bubuti ang kanilang kabuhayan sa susunod na taon.
Maliwanag ang pinapakita ng survey na ito na lumulubha ang kahirapan sa Pilipinas. Kung babalikan natin ang mga nakaraang surveys sa ganitong usapin, matatanto natin na pareho lamang ang resulta. Ibig sabihin mas nababaon ang Pilipino sa kahirapan dahil ang benchmark na ginamit ay yong dating kalagayan.
Ang ikalawang survey ay nilabas naman ng SWS na sumusukat sa persepyon ng mga negosyante hinggil sa sinseridad ng pamahalaan na labanan ang korapsyon. Lumalabas na pito (7) lamang sa mga opisina na gobyerno ay positibo ang marka (SSS, DTI, SC, LGUs, DOH, COA, DOF). Pito rin ang nakatanggap ng "zero" o halos walang ginagawa (DepEd, AFP, Sandigangbayan, Ombudsman, Trial Courts, Senate, DBM) samantalang 16 opisina ang nakatanggap ng negatibong marka (GSIS, DA, DOJ, PNP, DILG, PAGC, DENR, Comelec, DOTC, Office of the President, LTO, PCGG, Congress, BIR, DPWH, BOC).
Maliwanag ang pinapakita ng survey na mas maraming opisina ng gobyerno ang nakakapagpalala ng korapsyon samantalang 7 lamang sa 30 ang nakikitang may ginagawa para sugpuin ito. Makikita rin dito ang mga opisina na dati nang inaakusan ng korapsyon ay kabilang sa mga negatibo ang nakuhang marka.
Ngayon mga kabayan, paano malulutas ang kahirapan sa Pilipinas? Pag-unlad ng ekonomiya na tumatagos sa mamamayan, ang sagot sa lumalalang kahirapan sa bansa. Ibig sabihin, kailangan lumakas ang kalakalan sa bansa. Kailangan dumami ang mga negosyo na makakapagbigay ng trabaho at sa gayon, dumami ang may kakayanang tumakilik sa mga produkto o serbisyo ng mga negosyo. Kailangan din tumaas ang kakayanan ng mga negosyo para makapagbigay ng mas mataas na sahod na magbubunsod na mas mataas na kakayanan ng mga mamimili. Sa ganitong paraan, sasabay sa pag-unlad ng negosyo ang kakayanan ng mamamayan para tangkilikin ang mga negosyo. Ito ang magtitiyak ng magandang buhay sa bawat Pilipino.
Ngunit paano ito magagawa kung mismong mga negosyante ay nakikitang tiwali ang mga sangay ng pamahalaan. Pinalalaki ng korapsyon ang gastos sa pagtatayo o pagpapatakbo ng mga negosyo na siya namang pinapasa lamang ng mga negosyante sa presyo ng mga bilihin at/o pagtitipid nila sa sahod ng manggagawa. Ang negosyo na hindi makayanan ang gastos sa operasyon ay nagsasara na lamang na siya naman nagpapalaki ng hukbo ng mga walang trabaho. Kung hindi gaganda ang senaryo para sa pagnenegosyo, malabong umunlad ang ekonomiya. Kung sasadsad ang ekonomiya, mas lalong maghihirap ang Pilipino.
Malinaw na ang epekto ng korapsyon ay kahirapan para sa mamamayan. Ang pera na dapat ay napupunta sa nakakarami ay pinakikinabangan lang ng iilan. Kaya nga tama naman ang Malakanyang, umuunlad daw ang ekonomiya pero ekonomiya lamang ng mga tiwaling tao sa gobyerno.
Baile! Cha-cha na Naman!
Lathala ni gomezlaw | Friday, November 21, 2008 | Pulitika, Saligang Batas | 0 comments »Ito naman po tayo mga kabayan! Pagkatapos ng dasal ay aksyon na! Cha-cha na mga kaibigan. Nagsimula na ang pagpapapirma sa kongreso. Target ng mga mambabatas, 198 na pirma para mailunsad na ang constituent assembly. Papalag daw ang mga senador kaya aabot ito sa korte suprema. Pero malakas ang loob ng mga nagsusulong. Bakit kaya?
Ang "pabiro" na dasal ni Dureza para kay GMA ay nagsilbing senyales sa mga kapanalig ng pangulo sa mababang kapulungan para simulan na ang kampanya para palitan ang saligang batas. Mula pa sa panahon ni Ramos hanggang sa kasalukuyan,ang pagpapalit ng konstitusyon ay parating isinusulong sa tuwinang matatapos ang termino ng mga nakaupo. Ngunit ang lahat ng pagtatangka ay hindi nakakalusot dahil sa pagtutol ng iba't sangay ng pamahalaan at ng mismong sambayanan.
Ngunit sa pagkakataong ito, iba na ang senaryo. Bukod sa dominado pa rin ng Malakanyang ang mababang kapulungan ng kongreso, nakuha na ng administrasyon ang liderato ng senado. Dagdag pa rito, ang pagreretiro ng pitong huwes ng korte suprema bago pa matapos ang termino ni Gloria. Ang ibig sabihin nito, ang buong miyembro ng korte suprema ay magiging hirang na ni GMA. Siempre sabi ng mga ito na sila ay mga independent at impartial. Tignan na lang natin sa hinaharap.
Pero sa ganang akin, ito muna ang payo ko. Panoorin nyo!
At ito pa ang isa, panoorin nyo uli!
Bahala na kayo maghusga nga kabayan. Ang mahalaga palagi tayong maging mapagbantay. Kung hindi ito makakabuti sa bayan, aba, kailangan tayong magkaisa at kumilos laban dito! Share and Enjoy!
Dasal para kay Gloria
Lathala ni gomezlaw | Thursday, November 20, 2008 | Halalan, Pulitika | 0 comments »Ang napanood nyo ay ang dasal ni Press Secretary Jesus Dureza para kay GMA bago ang pagsisimula ng pulong gabinte. Ang nasa baba naman ay ang dasal ng mamamayang Pilipino para kay GMA.
Puno Ka Na ng GRASYA!
Ang YAMAN ng BANSA
Ay SUMAIYO Na.
Sa HUSAY ni GARCI
Naging PEKENG PANGULO Ka!
Bukod Kang MANDARAYA
sa Babaeng Lahat.
PINAGPALA ring MANGKURAKOT,
ASAWA MO’t ANAK.
Kaya WALA Ng NATIRA sa AMEN”
Kayo? Ano dasal nyo para kay GMA?
Share and Enjoy!
Kudeta sa Senado: Anong pakinabang ng Pilipino?
Lathala ni gomezlaw | Tuesday, November 18, 2008 | Halalan, Pulitika | 0 comments »Mga kaibigan sa oposisyong pulitikal, sana unahin nyo ang kapakanan ng sambayanan sa inyong mga hakbangin. Lagi nyong isaisip na mamamayang Pilipino ang nagluklok sa inyo sa kapangyarihan tinatamasa nyo ngayon!
Entrecard: Kailangan ba ng Pagbabago?
Lathala ni gomezlaw | Sunday, November 16, 2008 | Entrecard, Internet | 0 comments »Ngunit habang sinusulat ko ang artikulo, naisip ko pwede naman ito magamit ng lahat para mas marami pa ang makinabang. Pangalawa, naisip ko ring mayroon ng kasalukuyang sistema (Entrecard) na maganda at nakakatulong sa marami, kaya’t bakit pa kailangan gumawa ng bago kung kaya naman itong paunlarin at sagutan ang ilang kakulangan at limitasyon.
1. Wika. Walang pagbabawal sa wikang pwedeng gamitin. Pwedeng Filipino, pwedeng English o kahit na ano pang wika kung saan sanay ang manunulat. Maaari ding Ilokano, Cebuano o kahit ano pang wikang panrehiyon ng Pilipinas. Dito makakatulong tayo na mabigyan ng pagkakataon na magamit sa internet o maging popular ang iba’t ibang wika hindi lang English.
Makabayang Disenyo sa T-shirt ni Francis M.
Lathala ni gomezlaw | Sunday, November 16, 2008 | Kultura, Makabayan | 0 comments »Palapit na nang palapit ang pasko. Panahon nang simulan ang pagbiili ng mga pangregalo habang di pa ito gaanong nagmamahal. Kailangan ko pagkasyahin sa badyet ang lahat ng kailangang regalo. Kaya para sumapat ang kakarimpot na salapi, Divisoria ang tamang destinasyon. Kaso mukhang di ako aabot na bukas pa ang mga stall dito lalo na’t dito pa ko sa QC manggagaling. Ops! pero tamang tama at nagbukas na ang Tutuban Night Market-nasa bangketa kaya mas mura pa. Kaya sugod na kaagad ako!
Sakto dating ko 7:30pm kaya kumain na agad sa una kong nakitang bukas na karenderia. Sa isip ko, baka wala ng makainan pag lumalim ang gabi at para wala nang istorbo a paghahanap ng mabibili. Pagkatapos kumain, sindi muna ng isang stick na yosi(kadiri!) habang naglalakad papunta sa mga stalls.
Grabe! Buhay na buhay ang gabi. Maliwanag na maliwanag ang buong paligid ng Tutuban Main Building Mall. Iba’t ibang tao ang aking mga nakasalubong at nakita: mayroong matanda, bata, dalaga, binata, bakla at tomboy. May namimili rin na kasama ang buong pamilya. Mayroon din mga magasawa, magsyota, magkaopisina, makaklase at iba pa.
Siyempre sabak na rin agad sa pamimili. Isa-isa kong binili ang aking nasa listahan. Kalkal dito, kalkal doon. Sukat dito, sukat doon. Tawad dito, tawad doon. Para mapagkasya sa badyet at matiyak na tama lahat ng binibili. Ang daming tinda, iba’t ibang produkto. Hindi lang pangregalo, meron ding gamit pambahay, maliliit na appliances, accessories sa motorsiklo at iba pa. Meron pa ngang natatattoo e. Kung marami kang pera, marami kang mabibili na mura.
Pagdating ko sa likod ng mall, nabigla ako at mayroon palang kainan doon. Ang sasarap! Puro ihaw, sinugba! Laki ng panghihinayang ko! Akala ko wala ng makakainan. Bumili na lang ako ng inumin at inamoy-amoy na lang ang mga iniihaw.
Pabalik na ko sa pinagsimulan ko at patapos na rin sa lista ng mga bilihin nang maagaw ang atensyon ng mga binibentang T-shirt. Makabayan ang mga disenyo. Ang gaganda! Lumapit ako para magtanong( tanong lang kasi wala sa badyet ko). Pagrerebisa ko ng produkto, nakita ko ang etiketa-Francis M. Clothing Co. Tinanong ko ang nagbabantay kung kay Francis Magalona talaga ang mga t-shirt na un(pasensya at di ko talaga alam na may clothing business na si Francis M). Oo daw sabi ng bantay. Ang daming kabataang bumibili ng t-shirt. Medyo may kamahalan pero wala na naman talagang mura sa panahon ngayon.
Ang kinatuwa talaga sa t-shirt ni Francis M ay tinatangkilik ito ng kabataan. Hindi ko alam kung dahil it okay Francis M o dahil sa disenyo. Supetsa ko, ang konsepto ang mabenta dahil sa pag-ikot ko pa, marami pa akong nakita produkto na naglalaman ng mga makabayang mensahe at maraming bumibili dito.
Bigla talaga akong napaisip. Marami pa rin pala ang nagmamahal sa bayan. Kitang-kita ko ang pagtangkilik ng mga mamimili. Nandyan din ang mga namumuhunan para sa ganitong uri at konsepto ng negosyo. Nasabi ko nga sa sarili, kung sana magtuloy-tuloy ito at dumami pa ang mga mamimili ng mga ganitong produkto, tiyak dadami rin ang mamumuhunan. Isa itong pagtugon sa konseptong tangkilikin ang sariling atin.
Matapos maubos ang badyet(di pa nauubos ang nasa listahan), umuwi na rin ako ng mayroon ngiti sa labi. Buhay pa ang sulo ng pagiging makabayan ng mga Pilipino!
Obama; Pag-asa ng Sangkatauhan?
Lathala ni gomezlaw | Saturday, November 15, 2008 | Amerika, Internasyunal | 0 comments »Labing isang (11) araw matapos mahalal si Barack Obama bilang pangulo ng Estados Unidos(EU), nagsasaya at nagbubunyi pa rin ang mga Amerikano at halos buong sangkatauhan. Ang lahat ay patuloy na namamangha, nagtatanong at nag-uusap hinggil sa pinakamahalagang kaganapan sa daigdig ngayon. Ang pagwawagi ni Obama ay isang makasaysayang kaganapan dahil siya ang unang pangulo ng Amerika na may lahing Aprikano.
Sadya naming napakahalaga nito lalo na sa isang lahi na dumaan sa pagkaalipin, pang-aalipusta at diskriminasyon dahil sa kanilang kulay. Ang tagumpay ni Obama ay tagumpay ng lahat ng mga Aprikanong Amerikano. Kaya sino ba ang hindi magtataka sa pagkapanalo ng “itim” sa laro na pinaghaharian ng “puti”.
Hindi lang ang kulay ni Obama ang nagpanalo sa kanya, nandyan din ang kanyang kabataan (kumpara kay McCain) at napakahusay na estratehiya na gumising sa mamamayang Amerikano na puspusang lumahok sa proseso ng halalan. Mahalaga ang ginampanang papel sa pagwawagi ni Obama ang kasalukuyang krisis pangpinansyal na kinahaharap ng Amerika at buong daigdig.
Ngunit ang pinakamahalahaga dahilan ng pagkapanalo ni Obama ay ang kapalpakan ng mga patakaran at pagkilos ng kasalukuyang administrayon ng Amerika. Si Bush , ang pinakamahusay na kampanyador ni Obama at bentador naman ni McCain at ng buong Republican. Sa totoo lang, bago pa magsimula ang halalan, siguradong Democrats na ang susunod na pangulo ng Estados Unidos. Ang tanging usapin lamang ay kung babae o may lahing Aprikano ang siyang uupong president at kahit sino parehon siyang kauna-unahan para sa Amerika.
Habang hindi pa natutunawan ang lahat sa pagkapanalo ni Obama, taimtim ding sinusundan ng buong daigdig ang mga susunod na hakbang niya-ang pagbubuo ng kanyang gabinete, ang diskarte nya sa digmaan sa gitnang silangan at iba’t iba pang hakbangin makakaapekto sa ibang bansa at buong mundo.
Marami ang naniniwala na si Obama ay ang kabaligtaran ni Bush. Marami ang nangangarap na ibabangon ni Obama ang Amerika at buong daigdig sa kasalukuyang krisis pampinansyal. Marami rin ang umaasa na wawakasan nya ang mga digmaan kumikitil sa milyong buhay. Marami ang naghihintay na ipatupad ng Amerika ang tunay at pantay-pantay na pandaigdigan kalakalan. Marami rin ang nagdadasal na pangunahan ni Obama ang Amerika tungo sa tunay pandaigang proteksyon sa kapaligiran at kalikasan.
Napakaraming hamon kay Barack Obama! Napakaraming naniniwala sa kanya! Tanong ko lang mga kaibigan: Si Obama nga ba ang solusyon sa lahat problema ng mundo?
Hirap yata noon. Ano siya si Superman? Hehehe
Entrecard; Positibo o Negatibong Konsepto?
Lathala ni gomezlaw | Thursday, November 13, 2008 | Ads, Internet | 1 comments »Mayroon palang bago konsepto dito sa blogging. Maaaring luma na ito para sa marami ngunit sa katulad kong bagong blogger, bagung-bago sa akin ang ganitong ideya. Ito ay ang Entrecard. Isa itong e-card con ad card na kung saan pwede kang makaipon ng credit sa pamamagitan ng pag-drop nito sa mga binibisita mong site na kasali sa entrecard network. Ang iyong mga naipon na credit ay pwede mo namang ibili ng ad space ng ibang site para maanunsyo ang blogsite mo. At pag may nagclick dito nakakaroon ka ng dagdag na credit. Galing no? Isipin mo advertising na walang ginagamit na pera.
Sa totoo lang napakaganda ng konsepto hindi lang sa tulad ko na di kaya bumili ng ad space dito sa internet kundi para sa lahat ng gumagamit ng internet. Sa isang banda, tila nagiging pantay ang oportunidad para mayaman at mahirap. (Siyempre, sa mahirap na may pambayad na makapag- internet-hehehe!)
Pero di lang ads ang gamit ng entercard. Pwede mo rin ito magamit para mapataas ang ang ranking ng site mo. Pano? May isa pang dagdag na konsepto ang umiikot kalakip ng entrecard, ito ay ang "U Drop-I Follow", na kung saan ang site na nilaglagan mo ng entrecard ay susunod sa iyo at maglalaglag din ito card sa site mo. Brilliant di ba? Dahil dito, dumarami ang pumupunta sa site mo at habang dumarami ang bisita mo ay tumataas din ang ranking mo. Tama?
Nakakatuwa talaga! Biruin mong pati ang presyo ng ad space mo ay tumataas dahil buong konsepto nito. Malaking trapik, mataas ng presyo! At kahit sa labas ng entrecard network, tumataas din ang halaga ng ad space mo. Ang hirap yatang kumuha ng kliyente na magpapa-ads sa iyo kung napakababa ng ranking mo o walang bumibisita sa site mo. Alam naman natin ang mundo ng advertising na dapat tumbasan ng dami ng nakakita ng ads ang perang ibinayad sa paglalagay ng ads.
Kaya kung gusto mo kumita sa pamamagitan ng ads space, kailangan pataasin mo ang ranking mo. Para tumaas ito, kailangan mo ng maraming bumisita sa site mo at magagawa mo ito kung maraming maglalaglag sa iyo ng card. At para maraming maglaglag sa iyo, kailangan maglaglag ka rin ng card sa maraming site. Pero di ito ganun kadali o kabilis. Mejo malaking oras din ang gugululin mo para maghanap at magbukas ng site na lalaglagan mo ng card. Dagdag pa na may mga site pa na mabagal bumukas. May limitasyon nga pala ang bilang na pwedeng ilaglag sa isang araw-300 entrecard lamang.
Alam mo ba kung gaano kalaking oras ang gugulin mo sa paglaglag ng 300 entrecard? Mula sa paghahanap ng site, pagbubukas nito, paghahanap ng lokasyon ng entrecard hanggang sa paglalaglag ng card ay kukunsumo ng 3-5 minuto. Yan ay kung DSL ang gamit mo koneksyon. Kaya average ng 4 na minuto kada site. At kapag i-multiply natin ito sa 300, lalabas na 1200 na minuto o 20 oras o kulang-kulang na isang araw. At marami pang aberya kasama nito, may mga site na nagha-hang, may mga site na di na kasama sa network at may mga site na mahirap hanapin ang drop point. Kapag nga dial-up ang koneksyon mo, umaabot ng 3 araw para matapos mo ang 300 site.
Dahil sa ganitong sitwasyon may mga gumawa ng paraan mabawasan ang oras na kukunsumuhin para makapaglalaglag ka ng 300 card. Ang estilo ay parang mass email. May mga nakahanda ng listahan ng site at sabay-sabay na binubuksan ang site kaya lang hanggang sampung site lang ang kaya. Sa ganitong estilo, bumaba ang oras na kinakain ng paglalaglag ng card sa 4-6 na oras. Ok na rin di ba?
Sa ganitong kalakaran, totoong tumataas ang ranking mo at dumadami ang bumibista sa site mo. Pero dumarami rin ba ang bumabasa sa site mo? Napapansin ba ang ads sa site mo? Mukhang malabo itong mangyari sa ganitong pamamaraan. Wala na halos oras para magbasa pa, ang habol mo kasi ay ang pinakamaraming site na mabubuksan mo at mailaglag ang card.
Sa totoo lang talagang mahirap ito magawa! Sinubukan ko ito ng 2 magkasunod na araw. Pinilit kong basahin ang mga laman ng mga site pero puro pahayaw lang ang nangyayari. Meron din akong sinubukan na ibang estilo katulad pagkalaglag ko ng card, kiniklik ko ang ads at nagbubukas ito ng bagong site. Hanapin ko dito ang drop point at uulitin ko ulit ang ginaa ko. Sa ganitong estilo medyo nakatulong ka sa site na nagpa-ads pero di pa rin nito nasolusyunan ang pagbabasa ng mga laman ng site.
Ang isa siguro magandang gawin at sa maraming may mungkahi ay ang pagbibigay ng credit sa mga magbibigay ng komentaryo sa mga blog. Di ba maganda ito? Siguro pwede rin natin na bigyan ng credit ang magkiklik ng ads, sama na rin natin ang mga sasagot ng polls at iba pang laman ng site. Sana magawan ito ng paraan ng entrecard. Kasi sila ang may control sa paglalgay ng credit e.
Pero sa lahat tingin ko kahit may mga ilang negatibo sa bagong konsepto, sa kabuuan positibo pa rin ito sa mundo ng blog. Tingin ko para bago itong phenomenon sa internet e.
Pasko para sa Pilipino
Lathala ni gomezlaw | Sunday, November 09, 2008 | Kultura, Pasko | 0 comments »Ang lamig na ng simoy ng hangin sa gabi! Tanda na palapit na ang kapaskuhan. Isang kaganapang taun-taong inaantabayanan ng bawat Pilipino, matanda man o bata. Isa itong napakahabang kapistahang pinaghahandaan at ginagastusan ng isang pamilyan Pilipino. Itinuturing ito ng mayorya ng mamamayang Pilipino na pinakamahalagang selebrasyon ng taon.
Ano nga ba ang kapaskuhan sa mga Pilipino? Bakit nga ba sila nagdiriwang?
Para sa karamihan, ito ang paggunita sa kaarawan o araw ng pagsilang ni Hesukristo. Isa itong relihiyosong kaganapan na di lang dito sa Pilipinas nangyayari kundi sa buong mundo ng Kristianismo. Ito ay pagbubunyi sa araw na pagdating ng tagapagsalba ng sangkatauhan mula sa mga kasalanan at kamunduhan.
Sa iba naman, ito ay pagdiriwang sa pagpapalit na nang taon. Sinasalabong nila ang bagong taong ng buong sigla at kasiyahan. Naniniwala sila na ang ganitong klaseng pagdiriwang ay nag-aalis ng malas at pinapapasok ang swerte sa buhay ng tao.
Sa mga praktikal naman, ito ay panahon ng pahinga, bakasyon at pagsama-sama ng pamilya. Ito ang pinakamahabang bakasyon para sa buong pamilya. Walang pasok ang mga nagtatrabahao. Walang klase ang mga nag-aaral. Buong pamilya ay libre upang bakasyon o mag-bonding.
Sa mga matagal na di nagkikita, ito'y panahon ng reunion o muling pagkikita. Dito nagaganap ang mga Reunion ng pamilya. Maging ang mga kapamilya na nagtatrabaho o naninirahan sa ibang bansa ay umuuwi sa Pilipinas sa panahong ito. Maging ang mga dating magkakamag-aral, magkakabarkada o magkababata ay nagkikita sa kapaskuhan.
Para sa mga bata, ang kapaskuhan ay regalo at kasiyahan. Ang bata naman talaga ang bida sa mga araw na ito. Ito ang panahon kung saan sila nakatatanggap ng mga regalo o bagong bagay tulad ng kasuutan, gamit at laruan. Ito rin ang panahon na nakakapamasko sila sa kanilang mga ninong at ninang.
Sa mga manggagawa o nagtatrabaho, ito ang panahon ng pagtanggap ng 13th month pay at bonus kung meron. Masaya sila sa mga araw na ito dahil meron silang pambayad ng utang, pambili ng bagong gamit sa bahay o puhunan sa isang pantulong na negosyo. Pero alam naman natin ang karamihan ay gagastusin ito para sa paghahanda sa pasko.
Talagang iba't iba ang dahilan ng bawat Pilipino sa pagdiriwang ng kapaskuhan. Iba't iba rin ang pakahulugan ng pasko sa bawat tao. Pero kahit na magkakaiba ang pakahulugan at pamamaraan ng pagdiriwang ng kapaskuhan, ang mahalaga ay ang diwa na nilalaman nito- ang pagmamahalan, pagbibigayan, pakikipagkapwa-tao, pagkakaisahan, pagtutulungan at pagpapatawad. Ito ang tunay na kahulugan ng pasko.
Ngayon mga mambabasa, handa na ba kayong patawarin ang mga magnanakaw sa ating pamahalaan? Handa na ba kayong kalimutan ang ZTE scandal, Diosdado Macapagal Hiway "Robbery", Comelec Voting Machine Issue, Spratly Sell-out deal, Fertilizer Scam at iba pa? Handa na ba makipagkaisa at tulungan ang Malacañang sa mga susunod pa nitong kahindik-hindik na gawain?
Anong masasabi nyo mga kabayan?
Pag-ibig sa Tinubuang Lupa
Lathala ni gomezlaw | Thursday, November 06, 2008 | Kultura, Tula | 0 comments »Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa sariling lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
Pagpupuring lubos ang palaging hangad
Sa bayan ng taong may dangal na ingat,
Umawit, tumula, kumata't at sumulat,
Kalakhan din niya'y isinisiwalat.
Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, katiisa't pagod,
Buhay ma'y abuting magkalagut-lagot.
Bakit? Alin ito na sakdal ng laki,
Na hinahandugan ng busong pagkasi,
Na sa lalong mahal nakapangyayari,
At ginugulan ng buhay na iwi?
Ay! Ito'y ang Inang Bayang tinubuan:
Siya'y ina't tangi sa kinamulatan
Ng kawili-wiling liwanang ng araw
Na nagbigay-init sa buong katawan.
Kalakip din nito'y pag-ibig sa Bayan,
Ang lahat ng lalong sa gunita'y mahal,
Mula sa masaya'y gasong kasanggulan
Hanggang sa katawa'y mapasa-libingan.
Sa aba ng abang mawalay sa bayan!
Gunita ma'y laging sakbibi ng lumbay,
Walang alaala't inaasa-asam
Kundi ang makita'y lupang tinubuan.
Pati ng magdusa'y sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa bayan
At lalong mahirap. Oh, himalang bagay!
Lalong pag-irog pa ang sa kanya'y alay.
Kung ang bayang ito'y masasa-panganib
At siya ay dapat na ipagtangkilik,
Ang anak, asawa, magulang, kapatid;
Isang tawag niya'y tatalidang pilit.
Hayo na nga, hayo, kayong nagabuhay
Sa pag-asang lubos ng kaginhawahan
At walang tinamo kundi kapaitan,
Hayo na't ibangon ang naabang bayan!
Kayong nalagasan ng bunga't bulaklak
Ng kaho'y ng buhay na nilanta't sukat,
Ng bala-balaki't makapal na hirap,
Muling manariaw't sa baya'y lumiyag.
Ipahandug-handog ang busong pag-ibig
At hanggang may dugo'y ubusing itigis;
kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid,
Ito'y kapalaran at tunay na langit!
Pano ba Maging Makabayan?
Lathala ni gomezlaw | Wednesday, November 05, 2008 | Kultura, Makabayan | 1 comments »Ang sarap magbasa ng mga blog lalo na't tungkol ito sa pagiging Pilipino. Sa kakaikot ko sa internet at paghahanap ng mga blog na likha ng mga Pilipino, mayroon akong nabuksang isang blog na tumatalakay sa mali daw na konsepto ng nasyonalismong Pilipino. Hindi ko na rin babanggitin ang pangalan ng blog dahil ayoko ko syang tulungan na magkalat ng mga maling kaisipan. Bakit ba ganito ang aking naging reaksyon sa blog na ito? Mas maganda siguro talakayan na lang natin ang merito ng laman ng artikulong binabanggit ko.
Sang-ayon sa may-akda nito, maling konsepto o ideya ng nasyonalismo ang mga sumusunod:
1. Magsalita ng Tagalog. Ang halimbawa niya ay yong mga Fil-foreigner football player na kabilang sa pambansang koponan na ayon sa kanya ay mas nagpapakamatay sa paglalaro kaysa sa mga taal na Pilipino manlalaro at ang mga Fil-foreigner na ito ay di raw marunong magsalita ng kahit isang tagalog.
2. Tanglikin ang mga produktong Pilipino. Ang halimbawa niya dito ay pinaghihirapan niya daw ang bawat sentimo na kanyang nakukuha at may karapatan daw siya mamimili ng may kalidad na produkto.
3. Magtrabaho at manirahan sa bansang Pilipinas. Huwag daw natin tuligsain ang mga nagpapakahirap na mga kababayan natin na nagpapakahirap magtrabaho sa ibang bansa para makapagpadala ng pera sa mga kaanakan niya sa Pilipinas.
Sa unang tingin, tama naman siya at marahil talagang may karapatan siyang ipaglaban ang mga ganitong posisyon. Pero kung talagang pag-iisipan natin ng malalim at sasang-ayon ka sa mga punto niya , baka mas dapat ay burahin na rin natin ang konsepto o ideya ng nasyunalismo sa bayan natin. Bakit ko ito nasabi?
Una, mahalaga sa isang bansa ay wika bilang pinakamabisang "tools" sa pagkakaunawaan at pagkakaisa. Ito ang nagsisilbing tulay na nagdugtong sa iba't ibang lugar, kultura, salita at henerasyon ng lahing Pilipino. Siguro hindi tagalog ang kailangan salitain pero dapat ay Pilipino. Tignan natin ang mga mauunlad na bansa sa buong daigdig (kahit na umuunlad at nagsisikap na umunlad na bansa), lahat sila ay gumagamit ng sarili nilang wika. Bakit tayong mga Pilipino ay ayaw mag-Filipino? Dahil sa mas gusto nating mag-english at mataguriang mattatalino? Ewan ko pero sa akin kung di natin gagamitin ang sarili nating wika, mahihirapan tayong umunlad bilang isang bansa dahil hindi tayo magkakaintindihan at magkakaisa kahit kailan.
Ikalawa, ang pagtangkilik sa sariling produkto ay batayang pundasyon ng pag-unlad ng isang bansa. Kung susupotahan natin ang mga produktong gawang Pilipino, uunlad ang mga negosyong Pilipino. Lalaki ang puhunang ng mga mangangalakal. Lalaki at dadami ang mga pabrika't empresang Pilipino. Dadami ang mabibigyan ng trabaho. Tataas ang mga sweldo ng mga manggagawa. Tataas ang antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino. Lalaki ang buwis na makukuha ng gobyerno. Uunlad ang bansang Pilipinas.
Ikatlo, magtatrabaho ka pa ba sa ibang bansa kung may maganda kang trabaho dito at mataas ang sweldo? Maninirahan ka pa ba sa ibang bansa kung kasing-unlad na nila ang Pilipinas? Ako? Hindi na siyempre. Baka pwede magturista na lang at magbakasyon na lang sa mga bansang ito dahil sobra-sobra na ang kinikita ko dito sa Pilipinas.
Sana mga kababayan kung di nyo kaya maging makabayan, huwag nyo itong bigyan katuwiran at magkalat ng kung anu-anong maling kaisipan.
Maraming salamat at hanggang sa muli.
Obama: Pangulo ng Amerika
Lathala ni gomezlaw | Wednesday, November 05, 2008 | Amerika, Internasyunal | 0 comments »Bolante: Higante o Bulate?
Lathala ni gomezlaw | Monday, November 03, 2008 | Ekonomiya, Korapsyon | 0 comments »Dumating na ang pinakahihintay na pagpapatuloy ng paboritong telenobela ng bayan-Ang ikalawang kabanata ng "Bolante: Higante o Bulate." Mapapanood nyo lamang ito sa nag-iisang istasyong pandrama ng bayan-Ang Senado. Ok ba sa pinakabagong handog? Meron na naman tayong kalolokohang palabas!
Siguro mas maganda kung balikan natin muna ang unang kabanata para mailagay natin sa konteksto ang parating na kabanata. Si Jocelyn "Jocjoc" Bolante ay dating undersecretary ng Kawanihan sa Pagsasaka sa ilalim ng pamumuno ni kalihim Arthur Yap hanggang taong 2004. Kinasuhan si Bolante at Yap ng graft ni Marlene Esperal, dating resident ombudsman ng DA central mindanao noong 2003. Batay sa demanda ni Esperal, overpriced at di dumaan sa public bidding ang pagbili ng mga pataba.
Bago pa maghalalan noong 2004, inakusahan na ni Ping Lacson, kandidato sa pagka-pangulo noong 2004, si Gloria Arroyo na gagamitin ang P728 Milyon na pundo sa pataba para masigurado ang kanyang kandidatura sa pamamagitan ng pamumudmod nitong pundo para bumili ng mga pataba sa ilalim ng proyektong Ginituang Masaganang Ani (GMA).
Matapos ang halalan, sinampahan ni Frank Chavez, dating solicitor general, si GMA at Bolante ng kasong plunder. Noong Setyembre 2004, nagbitiw si Bolante sa kanyang tungkulin dahil sa ibang dahilan. Binukasan ng senado ang pandinig hinggil dito noong Oktubre 2005 sa pamumuno ni dating senador Ramon Magsaysay. Pinatawag ng senado si Bolante para maliwanag ang komite hinggil sa nasabing usapin ngunit di nito sinipot ang pandinig. Tumakas at nagtago na si Bolante sa Amerika. Noong Disyembre 2005, naglabas ng kautusan ang senado na hulihin si Bolante.
Hiningi ng senado ang tulong ng Amerika kaugnay ng kaso ni Bolante. Noong Hunyo 2006, nahuli si Bolante at kunulong sa Amerika. Bilang depensa, humingi ng asylum si bolante sa Amerika dahil daw namimiligro ang kanyang buhay kung siya'y ibabalik sa Pilipinas. Matapos ng mga negatibong desisyon dito ng korte sa Amerika, binabalik si Bolante sa Pilipinas.
Heto na tayo ngayon sa susunod kabanata. Sari-saring eksena na ang lumalabas. Andyan na may humihiling kay Bolante na magpakabayani at sabihin ang totoo hinggil sa Fertilizer scam at ituro ang tunay na mastermind nito. Andyan din ang naniniwla na hindi babaliktad si Bolante sa kanyang among tunay at maglulubid lamang ng kasinungalingan.
Kaya kayo kababayan, anong tingin nyo? Si Bolante ba ay magiging higante o at papanig sa kabutihan laban sa kampon ng kasamaan? O, magiging bulate at magtatago sa ilalim ng lupa tungo sa kaharian ng kadiliman. Magpahayag ka ng iyong damdamin!
Ilang punto lang. Si Marlene Esperal ay binaril at napatay sa harapan ng kanyan bahay noong Marso 2005. Nahuli ang mga salarin at natukoy ang nag-utos ngunit di pa ito naaresto. Samantalang si Arthur Yap napawalang sala ng ombudsman sa kasong sinampa ni Marlene ngunit hindi si Bolante.
Pista ng Patay
Lathala ni gomezlaw | Sunday, November 02, 2008 | Kultura, Relihiyon | 0 comments »Pista na naman ng patay. Taunang ginugunita ito ng mga katolikong Pilipino. Isang tradisyong bayan na naglalarawan ng pagpapahalaga ng Pilipino sa kanilang mga yumao. Isa rin itong pagkakataon upang magkita ang magkakalayong pamilya o kamag-anakan. Masigla ang bawat tao sa pagtungo sa himlayan ng kanilang mga lumisang mahal sa buhay kahit na siksikan o trapik pa ang daan papunta rito. Pinaghahandaan at ginagastusan ito kahit pa kinakapos ang pamilya. Isa itong seryosong debosyon sa mga naniniwala dito ngunit masaya pa rin itong ginaganap. Pista nga, di ba? Ganyan ang Pilipino!
Maaari natin itong ihalintulad ito sa pang-araw-araw na buhay ng isang ordinaryong Pilipino. Isipin mo kung paano nagagawa pa ni Juan dela Cruz tumawa at magsaya sa gitna ng kahirapang dinaranas nito. Kapos at gipit na pero parang walang problema sa katawan. May dinadalang karamdaman pero di mo mababakas sa mukha ang paghihirap. Walang wala na pero nagagawa pa rin tumulong sa iba. Sabi nga "isusubo na lang, ibinibigay pa sa iba". Iba talaga ang Pinoy!
Sa ganitong kalagayan, di ko maiwasan maalaala ang panahon ng batas militar. Kaliwa't kanan na ang pagpapahirap ng mga nakaupo sa mamamayan nito pero nanatili ang huli na mahinahon. Kahit anong hirap at pasakit na dulot ng martial law ay sinuong pa rin ito ng sambayanang Pilipino. Tinanggalan ng karapatan ang bawat Pilipino. Pinagmalupitan at binusabos. Ang mga lumalaban ay sinusupil, kinukulong at ang iba'y pinapatay. Ang mga di sang-ayon sa patakaran at ginagawa ng rehimen ay pinaparatangan ng aktibista, komunista, walang diyos at iba't iba.
Pero alam naman natin kung saan humantong ang batas militar at mga nagpatupad nito. Matapos ang mahigit 20 taon ng pagmamalupit at kagahaman, pinabagsak ito ng pag-aalsa ng taung bayan. Sabi nga lahat nga masasayang araw ay may katapusan din. Ang Pinoy nga naman, tiniis ang 20 taon bago napatid ang pisi ng pasensya. Ganyan yata talaga ang pinoy kahit na hirap na hirap na di pa rin kikibo basta't kaya paring mabuhay.
Di ba't matapos palisanin ang diktador ay balik hapi-hapi na naman ang pinoy. Parang walang nangyari. Nanahimik na naman at bumalik sa dating buhay. Kaya naman bumalik din ang mga nanamantala. Balik na naman ang mga magnanakaw. Hapi-hapi rin ang mga buwaya. Ay naku! Bakit nga ba napakadaling makalimot ng pinoy ang hirap na pinagdaanan niya? O sadya ba madali tayong magpatawad? Bakit kaya tayo ganito? Parang binaliwala natin ang mga tagumpay na nakamit ng bayan nang mapaalis ang diktador.
Ganito na lang ba tayo parati? Sasayangin ba talaga natin ang pinaghirap ng mga magulang natin? Di ba natin papahalagahan ang mga inialay na buhay ng mga ninuno't bayani natin para lang matamasa ang kaluwagang nararanasan natin ngayon? Magsasawalng kibo na lang ba tayo habang ang mga ganid ay nagpapakasasa sa pawis natin? Siguro hindi naman. Baka para lang katulad na nangyari noon sa martial law. Baka napuno na ang salop, kakalusin na rin ito.
Ay Pinoy, wag na nating hayaan na ang mga paghihirap natin ay danasin pa ng mga anak at apo natin. Ngayon na ang panahon para humakbang pasulong. Oras na para bumangon at kumilos. Para sa kinabukasan ng lahing Pilipino, wag tayong mawawalan ng pag-asa. Magkaisa tayo at kamtin ang tunay na nais ng sambayanang Pilipino.
Sabi nga ni Ditto Sarmiento-" Kung di tayo kikibo, sinong kikibo? Kung di tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung ngayon, kailan pa?"
Share and Enjoy!
Pagkaing Pinoy
Lathala ni gomezlaw | Saturday, November 01, 2008 | Ekonomiya, Pagkain | 0 comments »Kaya lang sana ganito ang dahilan ng bawat Pilipino sa pagkain ng tuyo at noodles. Pero hindi sawa o maiba naman an gaming rason kung bakit ito ang inulam naming. Katulad ng karamihang Pilipino, naghanap lang kami ng ulam na kakasya sa badyet namin para mairaos ang hapunan. Ito ang karaniwang tagpo sa buhay isang ordinaryong Pilipino ngayon. Siguro masasabi ng iba, “naku! kaya naman talaga kumain ng karne, naiinarte lang .“ Para mas maayos tignan natin kung kaya talaga kumain ng mas maayos ang isang Pilipino.
Sisikapin kong magbigay ng ilang kwenta ng gastusin para patunayan ang aking punto. Ang kwentada kong ito ay para sa pamilya na may bilang ng apat na miyembro, naninirahan sa MetroManila, isang nagtatraho (ama o ina) na may minimum na sweldo at dalawang nag-aaral na anak sa pampublikong paaralan.
Mga buwanan gatusin:
Upa sa bahay : P5,000.00. Karamihan sa nagsisimulang pamilya ay wala pang sariling bahay na kaysa maging “squatter” ay nangungupahan na muna. Sa totoo lang, mahirap humanap ng isang upahan kakasya ang isang pamilya sa ganitong halaga.
Kuryente: P1,000.00. Para ito sa paggamit ng 4 na ilaw, refrigerator, telebisyon, dvd player, radio, 2 electric fan at plantsa
Tubig: P350.00
LPG: P500.00
Pasahe: P1, 126.00. Ang iskwela, lugar ng trabaho at palengke ay isang sakay mula sa tirahan. Ito ang sumusunod na kwentada>>nagtrabaho:26 araw X P17.00/araw, nag-aaral: 2 X 22 araw X P14.00 at namimili: 4 araw X P17.00
Celphone: P600.00. 2 Celphone X P30.00/3 araw X 10 beses
Ang kabuuang gastusin, wala pa nag pagkain at baon ng mga pumapasok, ay P8,576.00
Ang sweldo ng isang minimum wage earner sa Metro Manila ay P362.00 X 26 araw o P9,412.00
Ibawas natin dito ang gastusing nabanggit at ang matitira ay P836.00 o P28.00/araw o P7.00/araw para sa isang miyembro . Kakasya ba ito ? Palagay ko hindi.
Tanggalin natin ang gastos sa Celphone. Ang matitira ay P1,436.00/buwan/pamilya 0 P48.00/araw/pamilya o P12.00/araw/miyembro ng pamilya. Ano kasya nab a ito para sa pagkain? Hindi pa rin.
Ano pa kaya ang pwede natin tanggalin? Siempre ang pasahe, LPG at tubig ay mahirap pang bawasan. Kalahatiin kaya natin ang paggamit ng kuryente? Kaya dadagan natin ng P500.00 ang matitira para sa pagkain at ito ay P1,936.00/buwan o P65.00/araw o P16.00/araw sa bawat miyembro ng pamilya. Ano kaya na ba? Mukhang hindi pa rin.
Ano kaya ang solusyon para kumain(kahit di na masarap o masustansya, basta makakain lang) ang pamilya? Ang isang solusyon na nakikita ko ay bawasan o tanggalin ang gastusin sa upa sa bahay. Makitira sa kamag-anak? Naku! Mahirap yan! Away lang kakauwian nyan. Mag-“squat” na lang kaya? Grabe ang dagdag ka na naman sa dumadaming bilang nila. Mahirap din yan! E kung ang bawasan natin ay gastusin sa kuryente at tubig? Sagad na halos ang kwenta dito e. Alangan naming mag”jumper” o iligal na koneksyon? Hindi pwede, masama yan! Iligal nga e. E kung magtrabaho kaya ang isa pang miyembro ng pamilya? Pero kulang nga ang trabaho dito sa atin kaya nga ang daming lumalabas na ng bansa para magtrabaho kahit masira na ang magandang takbo ng buhay pamilya.
Mahirap talaga magbawas ng gastusin para buhayin. Kasi kahit anong pagtitipid mo, may batayang pangangailangan na di pwedeng kaltasin at mahirap din gumawa ng mga bagay na magiging dagdag na problema kaysa sa solusyon. Ang mainam na solusyon ay madagdagan ang trabaho, maitaas ang sweldo at mabawasan ang presyo ng mga bilihin. Pero magaganap ba ito sa kasalukuyang lipunang Pilipino?
Tingin nyo? Share and Enjoy!