Loading...
2008-11-02
Pista ng Patay
Lathala ni gomezlaw | Sunday, November 02, 2008 | Kultura, Relihiyon | 0 comments »Pista na naman ng patay. Taunang ginugunita ito ng mga katolikong Pilipino. Isang tradisyong bayan na naglalarawan ng pagpapahalaga ng Pilipino sa kanilang mga yumao. Isa rin itong pagkakataon upang magkita ang magkakalayong pamilya o kamag-anakan. Masigla ang bawat tao sa pagtungo sa himlayan ng kanilang mga lumisang mahal sa buhay kahit na siksikan o trapik pa ang daan papunta rito. Pinaghahandaan at ginagastusan ito kahit pa kinakapos ang pamilya. Isa itong seryosong debosyon sa mga naniniwala dito ngunit masaya pa rin itong ginaganap. Pista nga, di ba? Ganyan ang Pilipino!
Maaari natin itong ihalintulad ito sa pang-araw-araw na buhay ng isang ordinaryong Pilipino. Isipin mo kung paano nagagawa pa ni Juan dela Cruz tumawa at magsaya sa gitna ng kahirapang dinaranas nito. Kapos at gipit na pero parang walang problema sa katawan. May dinadalang karamdaman pero di mo mababakas sa mukha ang paghihirap. Walang wala na pero nagagawa pa rin tumulong sa iba. Sabi nga "isusubo na lang, ibinibigay pa sa iba". Iba talaga ang Pinoy!
Sa ganitong kalagayan, di ko maiwasan maalaala ang panahon ng batas militar. Kaliwa't kanan na ang pagpapahirap ng mga nakaupo sa mamamayan nito pero nanatili ang huli na mahinahon. Kahit anong hirap at pasakit na dulot ng martial law ay sinuong pa rin ito ng sambayanang Pilipino. Tinanggalan ng karapatan ang bawat Pilipino. Pinagmalupitan at binusabos. Ang mga lumalaban ay sinusupil, kinukulong at ang iba'y pinapatay. Ang mga di sang-ayon sa patakaran at ginagawa ng rehimen ay pinaparatangan ng aktibista, komunista, walang diyos at iba't iba.
Pero alam naman natin kung saan humantong ang batas militar at mga nagpatupad nito. Matapos ang mahigit 20 taon ng pagmamalupit at kagahaman, pinabagsak ito ng pag-aalsa ng taung bayan. Sabi nga lahat nga masasayang araw ay may katapusan din. Ang Pinoy nga naman, tiniis ang 20 taon bago napatid ang pisi ng pasensya. Ganyan yata talaga ang pinoy kahit na hirap na hirap na di pa rin kikibo basta't kaya paring mabuhay.
Di ba't matapos palisanin ang diktador ay balik hapi-hapi na naman ang pinoy. Parang walang nangyari. Nanahimik na naman at bumalik sa dating buhay. Kaya naman bumalik din ang mga nanamantala. Balik na naman ang mga magnanakaw. Hapi-hapi rin ang mga buwaya. Ay naku! Bakit nga ba napakadaling makalimot ng pinoy ang hirap na pinagdaanan niya? O sadya ba madali tayong magpatawad? Bakit kaya tayo ganito? Parang binaliwala natin ang mga tagumpay na nakamit ng bayan nang mapaalis ang diktador.
Ganito na lang ba tayo parati? Sasayangin ba talaga natin ang pinaghirap ng mga magulang natin? Di ba natin papahalagahan ang mga inialay na buhay ng mga ninuno't bayani natin para lang matamasa ang kaluwagang nararanasan natin ngayon? Magsasawalng kibo na lang ba tayo habang ang mga ganid ay nagpapakasasa sa pawis natin? Siguro hindi naman. Baka para lang katulad na nangyari noon sa martial law. Baka napuno na ang salop, kakalusin na rin ito.
Ay Pinoy, wag na nating hayaan na ang mga paghihirap natin ay danasin pa ng mga anak at apo natin. Ngayon na ang panahon para humakbang pasulong. Oras na para bumangon at kumilos. Para sa kinabukasan ng lahing Pilipino, wag tayong mawawalan ng pag-asa. Magkaisa tayo at kamtin ang tunay na nais ng sambayanang Pilipino.
Sabi nga ni Ditto Sarmiento-" Kung di tayo kikibo, sinong kikibo? Kung di tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung ngayon, kailan pa?"
Share and Enjoy!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Post a Comment
Kaibigan, sa opinyon mo, tama ba ito o mali? Bakit?