Pano ba Maging Makabayan?
Lathala ni gomezlaw | Wednesday, November 05, 2008 | Kultura, Makabayan | 1 comments »Ang sarap magbasa ng mga blog lalo na't tungkol ito sa pagiging Pilipino. Sa kakaikot ko sa internet at paghahanap ng mga blog na likha ng mga Pilipino, mayroon akong nabuksang isang blog na tumatalakay sa mali daw na konsepto ng nasyonalismong Pilipino. Hindi ko na rin babanggitin ang pangalan ng blog dahil ayoko ko syang tulungan na magkalat ng mga maling kaisipan. Bakit ba ganito ang aking naging reaksyon sa blog na ito? Mas maganda siguro talakayan na lang natin ang merito ng laman ng artikulong binabanggit ko.
Sang-ayon sa may-akda nito, maling konsepto o ideya ng nasyonalismo ang mga sumusunod:
1. Magsalita ng Tagalog. Ang halimbawa niya ay yong mga Fil-foreigner football player na kabilang sa pambansang koponan na ayon sa kanya ay mas nagpapakamatay sa paglalaro kaysa sa mga taal na Pilipino manlalaro at ang mga Fil-foreigner na ito ay di raw marunong magsalita ng kahit isang tagalog.
2. Tanglikin ang mga produktong Pilipino. Ang halimbawa niya dito ay pinaghihirapan niya daw ang bawat sentimo na kanyang nakukuha at may karapatan daw siya mamimili ng may kalidad na produkto.
3. Magtrabaho at manirahan sa bansang Pilipinas. Huwag daw natin tuligsain ang mga nagpapakahirap na mga kababayan natin na nagpapakahirap magtrabaho sa ibang bansa para makapagpadala ng pera sa mga kaanakan niya sa Pilipinas.
Sa unang tingin, tama naman siya at marahil talagang may karapatan siyang ipaglaban ang mga ganitong posisyon. Pero kung talagang pag-iisipan natin ng malalim at sasang-ayon ka sa mga punto niya , baka mas dapat ay burahin na rin natin ang konsepto o ideya ng nasyunalismo sa bayan natin. Bakit ko ito nasabi?
Una, mahalaga sa isang bansa ay wika bilang pinakamabisang "tools" sa pagkakaunawaan at pagkakaisa. Ito ang nagsisilbing tulay na nagdugtong sa iba't ibang lugar, kultura, salita at henerasyon ng lahing Pilipino. Siguro hindi tagalog ang kailangan salitain pero dapat ay Pilipino. Tignan natin ang mga mauunlad na bansa sa buong daigdig (kahit na umuunlad at nagsisikap na umunlad na bansa), lahat sila ay gumagamit ng sarili nilang wika. Bakit tayong mga Pilipino ay ayaw mag-Filipino? Dahil sa mas gusto nating mag-english at mataguriang mattatalino? Ewan ko pero sa akin kung di natin gagamitin ang sarili nating wika, mahihirapan tayong umunlad bilang isang bansa dahil hindi tayo magkakaintindihan at magkakaisa kahit kailan.
Ikalawa, ang pagtangkilik sa sariling produkto ay batayang pundasyon ng pag-unlad ng isang bansa. Kung susupotahan natin ang mga produktong gawang Pilipino, uunlad ang mga negosyong Pilipino. Lalaki ang puhunang ng mga mangangalakal. Lalaki at dadami ang mga pabrika't empresang Pilipino. Dadami ang mabibigyan ng trabaho. Tataas ang mga sweldo ng mga manggagawa. Tataas ang antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino. Lalaki ang buwis na makukuha ng gobyerno. Uunlad ang bansang Pilipinas.
Ikatlo, magtatrabaho ka pa ba sa ibang bansa kung may maganda kang trabaho dito at mataas ang sweldo? Maninirahan ka pa ba sa ibang bansa kung kasing-unlad na nila ang Pilipinas? Ako? Hindi na siyempre. Baka pwede magturista na lang at magbakasyon na lang sa mga bansang ito dahil sobra-sobra na ang kinikita ko dito sa Pilipinas.
Sana mga kababayan kung di nyo kaya maging makabayan, huwag nyo itong bigyan katuwiran at magkalat ng kung anu-anong maling kaisipan.
Maraming salamat at hanggang sa muli.
Post a Comment
Kaibigan, sa opinyon mo, tama ba ito o mali? Bakit?