Makabayang Disenyo sa T-shirt ni Francis M.
Lathala ni gomezlaw | Sunday, November 16, 2008 | Kultura, Makabayan | 0 comments »Palapit na nang palapit ang pasko. Panahon nang simulan ang pagbiili ng mga pangregalo habang di pa ito gaanong nagmamahal. Kailangan ko pagkasyahin sa badyet ang lahat ng kailangang regalo. Kaya para sumapat ang kakarimpot na salapi, Divisoria ang tamang destinasyon. Kaso mukhang di ako aabot na bukas pa ang mga stall dito lalo na’t dito pa ko sa QC manggagaling. Ops! pero tamang tama at nagbukas na ang Tutuban Night Market-nasa bangketa kaya mas mura pa. Kaya sugod na kaagad ako!
Sakto dating ko 7:30pm kaya kumain na agad sa una kong nakitang bukas na karenderia. Sa isip ko, baka wala ng makainan pag lumalim ang gabi at para wala nang istorbo a paghahanap ng mabibili. Pagkatapos kumain, sindi muna ng isang stick na yosi(kadiri!) habang naglalakad papunta sa mga stalls.
Grabe! Buhay na buhay ang gabi. Maliwanag na maliwanag ang buong paligid ng Tutuban Main Building Mall. Iba’t ibang tao ang aking mga nakasalubong at nakita: mayroong matanda, bata, dalaga, binata, bakla at tomboy. May namimili rin na kasama ang buong pamilya. Mayroon din mga magasawa, magsyota, magkaopisina, makaklase at iba pa.
Siyempre sabak na rin agad sa pamimili. Isa-isa kong binili ang aking nasa listahan. Kalkal dito, kalkal doon. Sukat dito, sukat doon. Tawad dito, tawad doon. Para mapagkasya sa badyet at matiyak na tama lahat ng binibili. Ang daming tinda, iba’t ibang produkto. Hindi lang pangregalo, meron ding gamit pambahay, maliliit na appliances, accessories sa motorsiklo at iba pa. Meron pa ngang natatattoo e. Kung marami kang pera, marami kang mabibili na mura.
Pagdating ko sa likod ng mall, nabigla ako at mayroon palang kainan doon. Ang sasarap! Puro ihaw, sinugba! Laki ng panghihinayang ko! Akala ko wala ng makakainan. Bumili na lang ako ng inumin at inamoy-amoy na lang ang mga iniihaw.
Pabalik na ko sa pinagsimulan ko at patapos na rin sa lista ng mga bilihin nang maagaw ang atensyon ng mga binibentang T-shirt. Makabayan ang mga disenyo. Ang gaganda! Lumapit ako para magtanong( tanong lang kasi wala sa badyet ko). Pagrerebisa ko ng produkto, nakita ko ang etiketa-Francis M. Clothing Co. Tinanong ko ang nagbabantay kung kay Francis Magalona talaga ang mga t-shirt na un(pasensya at di ko talaga alam na may clothing business na si Francis M). Oo daw sabi ng bantay. Ang daming kabataang bumibili ng t-shirt. Medyo may kamahalan pero wala na naman talagang mura sa panahon ngayon.
Ang kinatuwa talaga sa t-shirt ni Francis M ay tinatangkilik ito ng kabataan. Hindi ko alam kung dahil it okay Francis M o dahil sa disenyo. Supetsa ko, ang konsepto ang mabenta dahil sa pag-ikot ko pa, marami pa akong nakita produkto na naglalaman ng mga makabayang mensahe at maraming bumibili dito.
Bigla talaga akong napaisip. Marami pa rin pala ang nagmamahal sa bayan. Kitang-kita ko ang pagtangkilik ng mga mamimili. Nandyan din ang mga namumuhunan para sa ganitong uri at konsepto ng negosyo. Nasabi ko nga sa sarili, kung sana magtuloy-tuloy ito at dumami pa ang mga mamimili ng mga ganitong produkto, tiyak dadami rin ang mamumuhunan. Isa itong pagtugon sa konseptong tangkilikin ang sariling atin.
Matapos maubos ang badyet(di pa nauubos ang nasa listahan), umuwi na rin ako ng mayroon ngiti sa labi. Buhay pa ang sulo ng pagiging makabayan ng mga Pilipino!
Post a Comment
Kaibigan, sa opinyon mo, tama ba ito o mali? Bakit?