Website Ribbon Kudeta sa Senado: Anong pakinabang ng Pilipino?
Loading...
2008-11-18

Kudeta sa Senado: Anong pakinabang ng Pilipino?

Lathala ni gomezlaw | Tuesday, November 18, 2008 | , | 0 comments »

Kahapon, nabigla na naman ang sambayanang Pilipino nang bumulalas sa balita na pinatalsik si senador Manny Villar bilang pangulo ng mataas na kapulungan ng kongreso. Matagal na rin namang umuugong ang kudeta ngunit ito’y hindi naisasakatuparan dahil na rin sa kawalan ng malinaw na mayorya o minorya ang senado. Mayroon lamang maliliit na grupo ngunit hindi naman kaya magpanalo ng isang usapin kung ito'y hindi makikipag-alyansa o makipagkasundo sa isa pa o maraming grupo o indibidwal. Sabi nga sa senado, hindi uso ang partido at nagpapasya ang bawat senador batay sa sarili nyang posisyon, plano at interes.

Ang kudetang nangyari sa senado ay produkto ng alyansa sa pagitan ng “mga tunay daw na oposisiyon” at “mga sipsip sa administrasyon.” Malinaw ang pagkakaisa ay may sapat na bilang(13) para sa isang aksyon politikal na naging daan para hindi na rin pumalag ang loyalista ni Villar sa tinaguriang “Wednesday Group.” Tignan mo nga naman, ang kalimitang magkabangga sa mga mayor na usapin ay nagkasundo para patalsikin ang kanilang niluklok na pinuno ng kapulungan. Nakakatawa talaga pero napakalinaw ang ipinapakita ng pangyayari na “sa pulitika, walang permanenteng kaibigan o kaaway ngunit mayroon lamang permanenteng interes.”


Napakahirap talagang isipin na ang mga senador na nagnanais patalsikin si Gloria Macapagal Arroyo ay nakikipagkasundo sa mga senador na sagadsaring tuta at tagapagtanggol ng kasalukuyang rehimen. Ito talaga ang naging palaisipan sa akin! Pinatalsik ba si Villar dahil sa nabunyag na anomalya(double insertion) sa badyet? Ngunit kung tutuusin ang halagang pinag-uusapan dito ay hindi hamak na napakaliit kumpara sa halaga ng mga iskandalong kinasangkutan ng rehimeng Arroyo. Kaya talaga hindi ko ito matanggap na ito ang dahilan ng kudeta sa Senado.
Kung ganoon, ano kaya ang tunay na motibo ng mga instigador nito? Wala na kong ibang nakikita kundi ang darating na halalang pangpanguluhan sa 2010. Malinaw na ito dahilan! Nais ng mga instigador na maging pantay-pantay ang katayuan ng mga kakandidatong pangulo sa 2010. Tignan natin ang mga pumirma sa resolusyon na nagnanais na palitan ang kasalukuyang liderato ng senado. Lahat ng tinatawag na “presidentiable” o mga nagnanais kumandidatong pangulo ay pumirma para patalsikin ang isa pang “wannabee.” Siyempre, depensa ng mga nagpatalsik, wala raw itong kinalaman sa darating na halalan.
Sa totoo lang, maraming “formula” para marating ang tunguhin. Pero ang hindi katanggap-tanggap ay ang alyansa sa pagitan ng “mga nagnanais ng pagbabago” at “mga sumasagka sa pagbabago.” Ang ganitong “formula” ay isang hakbang paatras para sa kilusan para sa tunay na pagbabago. Walang nanalo sa ganitong pagkakaisa kundi ang mga nagnanais ng “status quo.” Huwag nating gawing dahilan ang kahinaan at pagkakamali ng isang kasama para makipagkaisa sa kalaban. Ito’y nakakapagpahina ng hanay ng mga nagnanais baguhin ang kasalukuyang rehimen.
Ang ganitong hakbangin ay malinaw na hindi kapakipakinabang para sa mamamayang Pilipino. Inaantala nito ang kilusang pagbabago. Pinatatagal nito ang paghihirap ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Sa harap ng panawagan ng mga bishop, kabataan, civil society, manggagawa at iba pang sektor ng lipunan para sa pagbabago, ang ganitong pangyayari ay tila parang tubig na sinaboy sa nag-iinit na damdamin ng mamamayan!


Mga kaibigan sa oposisyong pulitikal, sana unahin nyo ang kapakanan ng sambayanan sa inyong mga hakbangin. Lagi nyong isaisip na mamamayang Pilipino ang nagluklok sa inyo sa kapangyarihan tinatamasa nyo ngayon!

(Antayin ang ikalawang bahagi)


Share and Enjoy!
Digg Stumble This Del.icio.us Mixx Furl Propeller Simpy Live Twitthis Add To Slashdot Spurl Google Yahoo Reddit Technorati Blinklist Blogmarks Smarkings Ma.gnolia SphereIt Sphinn Feedmelinks

Post a Comment

Kaibigan, sa opinyon mo, tama ba ito o mali? Bakit?