Pasko para sa Pilipino
Lathala ni gomezlaw | Sunday, November 09, 2008 | Kultura, Pasko | 0 comments »Ang lamig na ng simoy ng hangin sa gabi! Tanda na palapit na ang kapaskuhan. Isang kaganapang taun-taong inaantabayanan ng bawat Pilipino, matanda man o bata. Isa itong napakahabang kapistahang pinaghahandaan at ginagastusan ng isang pamilyan Pilipino. Itinuturing ito ng mayorya ng mamamayang Pilipino na pinakamahalagang selebrasyon ng taon.
Ano nga ba ang kapaskuhan sa mga Pilipino? Bakit nga ba sila nagdiriwang?
Para sa karamihan, ito ang paggunita sa kaarawan o araw ng pagsilang ni Hesukristo. Isa itong relihiyosong kaganapan na di lang dito sa Pilipinas nangyayari kundi sa buong mundo ng Kristianismo. Ito ay pagbubunyi sa araw na pagdating ng tagapagsalba ng sangkatauhan mula sa mga kasalanan at kamunduhan.
Sa iba naman, ito ay pagdiriwang sa pagpapalit na nang taon. Sinasalabong nila ang bagong taong ng buong sigla at kasiyahan. Naniniwala sila na ang ganitong klaseng pagdiriwang ay nag-aalis ng malas at pinapapasok ang swerte sa buhay ng tao.
Sa mga praktikal naman, ito ay panahon ng pahinga, bakasyon at pagsama-sama ng pamilya. Ito ang pinakamahabang bakasyon para sa buong pamilya. Walang pasok ang mga nagtatrabahao. Walang klase ang mga nag-aaral. Buong pamilya ay libre upang bakasyon o mag-bonding.
Sa mga matagal na di nagkikita, ito'y panahon ng reunion o muling pagkikita. Dito nagaganap ang mga Reunion ng pamilya. Maging ang mga kapamilya na nagtatrabaho o naninirahan sa ibang bansa ay umuuwi sa Pilipinas sa panahong ito. Maging ang mga dating magkakamag-aral, magkakabarkada o magkababata ay nagkikita sa kapaskuhan.
Para sa mga bata, ang kapaskuhan ay regalo at kasiyahan. Ang bata naman talaga ang bida sa mga araw na ito. Ito ang panahon kung saan sila nakatatanggap ng mga regalo o bagong bagay tulad ng kasuutan, gamit at laruan. Ito rin ang panahon na nakakapamasko sila sa kanilang mga ninong at ninang.
Sa mga manggagawa o nagtatrabaho, ito ang panahon ng pagtanggap ng 13th month pay at bonus kung meron. Masaya sila sa mga araw na ito dahil meron silang pambayad ng utang, pambili ng bagong gamit sa bahay o puhunan sa isang pantulong na negosyo. Pero alam naman natin ang karamihan ay gagastusin ito para sa paghahanda sa pasko.
Talagang iba't iba ang dahilan ng bawat Pilipino sa pagdiriwang ng kapaskuhan. Iba't iba rin ang pakahulugan ng pasko sa bawat tao. Pero kahit na magkakaiba ang pakahulugan at pamamaraan ng pagdiriwang ng kapaskuhan, ang mahalaga ay ang diwa na nilalaman nito- ang pagmamahalan, pagbibigayan, pakikipagkapwa-tao, pagkakaisahan, pagtutulungan at pagpapatawad. Ito ang tunay na kahulugan ng pasko.
Ngayon mga mambabasa, handa na ba kayong patawarin ang mga magnanakaw sa ating pamahalaan? Handa na ba kayong kalimutan ang ZTE scandal, Diosdado Macapagal Hiway "Robbery", Comelec Voting Machine Issue, Spratly Sell-out deal, Fertilizer Scam at iba pa? Handa na ba makipagkaisa at tulungan ang MalacaƱang sa mga susunod pa nitong kahindik-hindik na gawain?
Anong masasabi nyo mga kabayan?
Post a Comment
Kaibigan, sa opinyon mo, tama ba ito o mali? Bakit?